Ni BETH CAMIA
NAGPAHAYAG ng labis na kagalakan at pagbubunyi ang Malacañang sa panalo ni Mary Joy Tabal sa women’s marathon para sa unang gintong medalya ng delegasyon ng bansa sa 29th Southeast Asian (SEA) Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na lubos ang kasiyahan ng sambayanan sa tagumpay ni Tabal at umaasang magiging inspirasyon ito nang iba pang atleta na sumasabak sa biennial meet.
Ayon kay Abella, binabati nila ang mga pambatong atleta ng Pilipinas at hangad nila ang tagumpay sa mga lalahukang kompetisyon.
Aniya, ipinaaabot ni Pangulong Duterte ang pasasalamat at pagbati sa ipinakitang kagitingan ni Tabal sa sports.
Ibinigay ng Pangulong Duterte ang buong suporta para sa Team Philippines nang kanyang abisuhan si Philippine Sports Commission (PSC) Chariman William ‘Butch’ Ramirez na ibigay ang lahat nang pangangailangan ng mga atleta.
Batay sa batas, may nakalaang P300,000 na insentibo para sa SEA Games gold winner.