NI: Leonel M. Abasola
Patuloy na nadadagdagan ang mga napapaslang sa kampanya kontra droga, na nakapagtala ng marami sa Bulacan at Metro Manila sa nakalipas na mga araw, pero ang tone-toneladang shabu na naipuslit sa Bureau of Customs (BoC) ay hindi magalaw ng pamahalaan.
“Ang ugat ng problema sa droga, wala sa mga maliit at mahihirap na pinapatay araw-araw. Ang ugat ng problema sa droga ay doon nakita sa pagpuslit ng tone-toneladang shabu sa BoC ng mga sindikato kasabwat ang mga opisyal ng gobyerno,” sabi ni Senator Kiko Pangilinan. “Hindi makatarungan at mapang-api sa mahihirap na kapag 2 o 3 sachet ng shabu pinapatay, tapos tone-tonelada ng shabu sa BoC pinapalusot.”
Para naman kay Sen. JV Ejercito, inaabuso na ng mga pulis ang pagdepensa ng Pangulo sa mga ito sa pagpapatupad ng kampanya kontra droga.