Ni Argyll Cyrus B. Geducos

Usap-usapan na naman ng publiko ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) kahapon, ngunit hindi dahil sa isang mahalagang usapin.

Ito ay matapos na i-post ng PCOO ang salitang ‘fafda’, na nag-trend kaagad ilang minuto matapos itong mai-post sa Twitter account ng ahensiya kahapon ng tanghali.

Ang Twitter ng PCOO na @PresidentialCom, na may 137,000 followers, ay nag-tweet ng salitang ‘fafda’ bandang 1:07 ng hapon kahapon.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ang nasabing tweet ay kaagad na binura ngunit hindi ito nakaligtas sa Pinoy netizens at mabilis na humakot ng 21 retweets, 29 likes, at daan-daang pang-aasar na post, kasama ang screenshots nito, sa loob lamang ng pitong minuto.

Sa India, kilala ang ‘Fafda’ bilang popular na Gujarati snack na gawa sa gram flour, turmeric, at carom seeds.

Ayon kay Communications Secretary Martin Andanar, ang nasabing tweet ay mula umano sa isa sa mga staff ng PCOO at gumawa na umano siya ng memo para sa social media administrator ng tanggapan.

“It was an accidental tweet made by Angel Abella, one of our Twitter admins. It doesn’t mean anything so she deleted it right away,” saad sa text message ni Andanar, nilinaw na wala umanong kaugnayan si Angel kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella.

“I immediately wrote a memo to all of our social media admins to be more careful,” saad niya.

Naging trending topic ang ‘fafda’ sa Twitter Philippines matapos itong bigyan ng iba’t ibang kahulugan ng netizens.

Isa sa mga popular at most retweeted na pagbibigay-kahulugan sa ‘fafda’ ang sa Twitter user na si Mikhail Quijano (@mikhailquijano): “Frightening Amount of Filipinos Dead Already”, na umani ng 169 retweets at 339 likes.

Ginawa namang katatawanan ng netizens ang nasabing typo at ginamit ito upang palitan ang liriko ng mga kanta na katunog ng salitang ‘fafda’.

Ikinumpara rin ng netizens ang ‘fafda’ sa naging usap-usapan din kamakailan na typo ni US President Donald Trump na ‘covfefe’.

“Despite the constant negative press covfefe,” tweet ni Trump.

Ipinaliwanag naman ni dating White House Press Secretary Sean Spicer na ang ‘covfefe’ ay isa umanong sekretong code sa isang mensahe.