Ni: Celo Lagmay

TUWING binubuksan ang nominasyon para sa National Artist Awards, kaagad sumasagi sa aking utak ang ating mga kalahi na tunay na karapat-dapat sa naturang karangalan; mga kapanalig natin na nagpamalas ng kahusayan sa iba’t ibang larangan ng sining na tulad ng panitikan o literatura, paintings, pagganap sa pelikula, pag-awit at iba pa.

Hindi kumukupas ang aking paghanga sa ating mga National Artist na maingat na sinala, dumaan sa mahigpit na screening ng Cultural Center of the Philippines (CCP) at ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA). Natitiyak ko na marami pang karapat-dapat na National Artist o Pambansang Alagad ng Sining ang pagkakalooban ng gayong karangalan.

Bigla kong naalala ang kawikaang “In God’s Time” na laging binibigkas ni super star Nora Aunor. Kung hindi ako nagkakamali, ang naturang kawikaan na tigib ng pagpapakumbaba ang naging panlibang niya, wika nga, nang siya ay mistulang kinaligtaan ng CCP at ng NCCA na gawaran ng National Artist Award. Marami ang naniniwala na siya ay isang potential awardee sa larangan ng pag-arte at pag-awit.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Isa pa, nahigingan ko na tila hindi siya nakatugon sa pamantayan ng nakaraang administrasyon. Masyado kaya siyang minaliit at hindi marapat ihanay sa mga katangian at kahusayan ng ating mga National Artists?

Walang dapat panghinayangan si Nora Aunor. Natitiyak ko na darating ang panahon na matatauhan din ang mga kinauukulan upang siya ay tanghaling isang Pambansang Alagad ng Sining. Ang naturang karangalan ay hindi ipinakikiusap. Totoo, ang anumang bagay ay matatamo natin sa kagustuhan ng Panginoon.

Sumagi sa aking gunita ang isang kapatid natin sa panitikan – si Edgar Reyes – na maituturing na isang henyo sa pagsulat hanggang sa kanyang kamatayan. Sa isang okasyon, buong-galang niyang tinanggihan ang isang Literary Award sa katuwiran na... marami pang higit na karapat-dapat sa naturang karangalan kaysa kanya. Bahagi na ng kasaysayan ang ibang pangyayari.

Totoo, tulad ng laging binabanggit ng ating mga kapwa kolumnista na marami pa tayong mga kapatid sa panulat na dapat tanghaling National Artist. Sino ang hindi hahanga sa yumaong sina Kerima Polotan, Carmen Guerrero-Nakpil, Gilda Cordero Fernando at iba pa. Marami rin ang namumukod-tangi sa iba pang larangan ng sining.

Tulad ng paniniwala ni Nora Aunor, ang gayong mga karangalan ay mapapasakamay ng sinuman In God’s Time, wika nga.