NI: Leonel M. Abasola, Hannah L. Torregoza, at Beth Camia

Sa pagdalo niya kahapon sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng P6.4-bilyon shabu shipment, inamin ni Kenneth Dong na kakilala niya si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte ngunit ipinagdiinan na hindi niya ito “close”.

“Acquaintance lang kasi hindi naman kami ganoon ka-close,” sambit ni Dong.

Ayon kay Dong, nakilala niya si Duterte noong 2008 nang magtayo siya ng negosyo sa Davao City.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Sina Dong at Duterte ang itinuro ni Mark Taguba, broker, na umano’y nasa likod ng kurapsiyon ng BoC at namumuno sa sinasabing “Davao Group”.

Kinumpirma rin ni Dong ang mga larawan nila ng magkapatid na Duterte, sina Paolo at Baste, na ibinahagi sa Facebook ng isang Charlie Tan.

“Mahilig po ako mag-picture sa public. ‘Yan ang problema sa’kin kaya naiintriga ako,” ayon kay Dong.

Samantala, kasama si Dong sa siyam na indibiduwal na ipinagharap ng National Bureau of Investigation-Anti Organized and Transnational Crime Division ng reklamo sa Department of Justice (DoJ) kaugnay ng shabu shipment.

Sa 15-pahinang transmittal letter ng NBI, bukod kay Dong (Dong Yi Shen) ay kinasuhan din ng paglabag sa Section 4 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act sina Chen Min, Jhu Ming Yun, Fidel Anoche Dee, Chen Ju Long, alyas “Richard Tan”; Li Guang Feng, alyas “Manny Li”; Mark Ruben Taguba, Teejay Marcellana, at Eirene May Tatad.

Sinampahan din ng hiwalay na reklamong unauthorized practice of Customs Broker Profession sina Feng, Dong at Taguba.