Nina ELLSON QUISMORIO at BELLA GAMOTEA, May ulat nina Mary Ann Santiago, Liezle Basa Iñigo, Rommel Tabbad, at Ellalyn De Vera-Ruiz
Tiyaking naluto nang maigi ang kakaining manok.
Ito ang mensahe kahapon ni Department of Health (DoH) Assistant Secretary Eric Tayag sa publiko, partikular na sa mga umiiwas ngayon sa pagkain ng manok sa pangambang magkaroon ng bird flu, na may outbreak ngayon sa San Luis, Pampanga.
“Iluto po natin nang maigi, kasama na d’yan ‘yung itlog. Kailangang hardboiled po, hindi po muna puwede kumain ng hilaw na itlog, or ang pagkaluto nito ay wet and runny,” sinabi ni Tayag sa mga mamamahayag sa sidelines ng pagdinig ng sa House Committee on Appropriations sa budget ng kagawaran.
“Ang manok naman po masasabing lutung-luto ‘yan kung wala nang pink parts, at kung ‘yung kanyang katas ay clear,” paliwanag ni Tayag.
‘WAG MATAKOT SA OUTBREAK
Marami ngayon ang natatakot na kumain ng manok dahil sa bird flu outbreak sa Pampanga.
Nilinaw din ni Tayag na wala pang bird-to-human infection sa Pilipinas. “Ito po ay nasa manok lamang.”
Ayon kay Tayag, ang pananamlay ng benta ng manok sa mga palengke sa nakalipas na mga araw ay dahil sa maling impormasyong natanggap ng publiko tungkol sa bird flu.
“Kaya itong ibinibigay naming public health advisory sa mga kababayan natin ay sana makatulong,” ani Tayag, idinagdag na tanging ang bayan ng San Luis ang apektado ng outbreak.
“Mahirap pong makahawa from chickens to humans, pero ‘pag mahawa naman matindi ‘yung nakukuhang sakit,” dagdag ni Tayag. “Sa mga tala po sa ibang bansa, umaabot po sa 60% ‘yung puwedeng mamatay sa bird flu.”
STABLE ANG SUPPLY
Mahigpit naman ang monitoring ng Department of Trade and Industry (DTI), katuwang ang Department of Agriculture (DA), sa presyo at supply ng karne ng manok at itlog sa mga pamilihan, partikular sa Metro Manila.
Ayon kay DTI Undersecretary Ted Pascua, nananatiling stable ang supply ng manok at itlog sa merkado sa Metro Manila, kasunod ng pag-iinspeksiyon nila sa Nepa Q-Mart sa Balintawak, Quezon City.
Bumaba pa ang presyo ng manok sa P120 kada kilo mula sa dating P140, subalit matumal ang bentahan nito dahil sa pangamba sa bird flu.
Aminado si Pascua na sakaling kumaunti ang supply ng manok at itlog ay posibleng tumaas ang presyo ng mga ito, gayundin ang mga karne ng baboy, baka at isda na tiyak na ipamamalit ng mga takot kumain ng manok.
Nagbabala rin ang DTI sa mga mapagsamantalang negosyante na pagmumultahin ng P5,000-P1 milyon kapag napatunayang lumabag sa Price Act.
Kasabay nito, iginiit kahapon ng Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) na walang dapat na ikabahala ang publiko dahil gaya ng sinabi ni Tayag, “contained” lamang sa San Luis ang outbreak.
FOOD SAFETY
Mungkahi naman ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) sa mga may-ari ng poultry farm na magsagawa ng check para sa food safety ng mga tao, quarantine sa bawat farm, at quarantine sa bawat pasukan ng lalawigan, sa gitna ng matinding pangamba ng publiko sa bird flu.
Samantala, pinagsabihan naman ni DA Secretary Emmanuel “Manny” Piñol si dating Candaba, Pampanga Mayor Gery Pelayo kaugnay ng pakikialam umano nito sa pagdedeklara ng kagawara ng outbreak dahil; magbubunsod ito ng malawakang pagkalugi ng mga poultry, kaugnay na rin ng transport ban.
“I’m asking Mayor Pelayo to shut up because he is not an expert or authority on animal diseases, much more Avian Influenza,” sabi ni Piñol.
AYUDA SA MGA APEKTADO
Kaugnay ng pangambang ito, naglaan ang DA ng paunang P50 milyon upang ayudahan ang mga poultry farmer na maaapektuhan ng outbreak sa Pampanga.
Ayon kay Piñol, may P25,000 loan assistance sa ilalim ng Survival and Recovery Assistance Program (SURE) ng Agricultural Credit Policy Council para sa mga maaapektuhang magmamanok.
“We will offer these to the farmers within the one-kilometer radius contained area and seven-kilometer controlled areas,” sabi ni Piñol.
Babayaran din ang mga magmamanok ng P80 sa bawat mapapatay na manok, itik o pugo.