Ni: PNA
CAMP SIONGCO, Maguindanao – Iniulat kahapon ng 6th Infantry Division ng Philippine Army na nasa 25 katao na ang nasasawi sa bakbakan ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), na sympathizer din ng Islamic State, at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Ayon kay Army Colonel Gerry Besana, commander ng 6th Infantry Division Civil Military Operations, 20 sa mga nasawi ay galing sa pinagsamang puwersa ng BIFF at Jamaatul Mujajideen Wal Ansar, na pinamumunyan ni Kumander Esmail Abdulmalik, alyas “Abu Torayme”.
Lima naman mula sa 108th Base Command ng MILF ang napatay at 10 ang sugatan, tatlo sa mga ito ay kritikal.
Nagsimula umano ang kaguluhan nitong Agosto 7 sa mga barangay ng Tee at Andavit sa Datu Salibo, Maguindanao, nang tangkain ng BIFF na pasukin ang kuta ng MILF sa Bgy. Tee.
Ang bilang ng napatay ay base sa ulat ng GPH-MILF ceasefire monitoring units sa Maguindanao.
Nagsilikas na ang mga sibilyan at inaayudahan na ng mga local disaster officer mula sa Datu Salibo, Datu Saudi Ampatuan, at Datu Piang.
Hiwalay namang umapela ang dalawang paksiyon ng BIFF, ang Karialan at Abdulhaman Bungos, sa magkabilang panig na itigil na ang bakbakan.