NI: Fr. Anton Pascual

MGA magulang, alam niyo ba na ang human immunodeficiency virus (HIV) ay isa nang malaking banta sa mga kabataang Pilipino ngayon?

Sa mga nakalap na datos, 62 porsiyento ng bagong kaso ng HIV ay nasa edad 15 hanggang 24. Kada araw, nasa 30 indibiduwal ang naiimpeksiyunan ng HIV. At 25 rito ay millenials.

Ito ay nakababahala. Ang HIV ay isang sexually transmitted disease na maaaring maiwasan. Kaya lamang, dahil sa stigma na dala nito, maraming indibiduwal ang nahihiya magpa-test kaya lalo pa itong kumakalat.

Ayon sa HIV/AIDS Registry of the Philippines, nasa 3,290 ang kabuuang kaso ng HIV infections mula Enero hanggang Abril ngayong taon. Nitong Abril, nasa 629 ang naitalang kaso ng HIV, at 596 dito ay lalaki.

Sa halip na bumaba, mas tumataas pa ang bilang ng mga indibiduwal sa ating bansa na nada-diagnose na may HIV.

Kailangan na natin suriin ang mga HIV prevention strategy. Tila hindi ito sapat upang mapigilan ang pagtaas ng bilang ng mga bagong impeksiyon, na ayon nga sa mga health expert ay isa nang epidemya.

Ang pagkakaisa ng mga sektor ng lipunan ay mahalaga upang magtagumpay ang HIV prevention strategies. Sa hanay na ng mga kabataan kumakalat ang impeksiyong ito. Kung ang mga kabataan na ang nagiging biktima, ang kinabukasan nating lahat ang nakataya.

Malawakang information campaign ang kailangan. Mas maraming tao ang dapat maging aware o makaalam sa isyung ito.

Dapat ding mawala ang stigma o pandidiri sa isyu na ito. Habang naiiwan ang stigma ng HIV sa ating lipunan, mas lalong dumarami ang biktima nito.

Kailangan ding patatagin ang ating mga pamilya. Kung ang pamilyang Pilipino ay matatag, mas madali para sa mga kabataan na makinig at tumalima sa mga HIV prevention strategy. Alam nating mapusok ang mga kabataan, ngunit sa tamang gabay, ang kapusukan na ito ay maaaring maituon sa mga produktibong bagay.

Ang ating mahal na St. Pope John Paul II, noong siya ay nagpunta sa Tanzania noong 1990, ay may paalala ukol sa HIV.

Ayon sa kanya, ang AIDS ay banta sa buong sangkatauhan. Wala itong kinikilalang heograpiya, lahi, edad, o antas ng pamumuhay. Kailangan magtulungan ng gobyerno, medical at scientific community, at tayo mismo upang harapin ang isyung ito.