Ni: Bella Gamotea
Nagsampa ng panibagong kaso si Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista sa Taguig City Prosecutor’s Office laban sa kanyang misis na si Patricia at sa legal adviser nito, noong Biyernes ng hapon.
Dakong 4:00 ng hapon nang inihain ni Bautista sa piskalya ang kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act laban kay Patricia dahil sa umano’y pagbubukas sa kanyang email account nang walang pahintulot niya.
Sinampahan din ng Comelec chief ng kaso ang dating abogado at legal adviser ng misis na si Atty. Lorna Kapunan, at iba pang John Does, na umano’y “kasabwat” ng ginang.
Ang kaso ay kaugnay ng pag-ransack umano ni Patricia sa mga gamit ni Bautista, at pagkuha sa mga passbook, iPad, at mahahalagang dokumento ng opisyal.
Sinabi ni Bautista na nabuksan ng kampo ni Patricia ang email niya at ginamit ang mga ito ngayong ebidensiya sa alegasyong nagkamal siya ng P1 bilyon nakaw na yaman simula nang maglingkod sa gobyerno.
Agosto 8 nang sinampahan ni Bautista ng mga kasong grave coercion, robbery, qualified theft, at grave threat ang asawa.