Ni: PNA
MABIGAT na pagsubok ang lalagpasan ng Southeast Asian Games (SEAG) bound boxers sa kanilang kampanya sa 29th Southeat Asian Games sa Agosto 19-30 sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Isa sa ‘winningest team’ ang boxing sa nakopong 10 medala – limang ginto, tatlong silver at dalawang bronze – sa 2015 SEAG edition sa Singapore.
Sa nakalipas na dekada, itinuturing pambato ng bansa sa international tournay ang athletics, billiards at boxing kung kaya’t malaking hamon sa Pinoy fighter na malagpasan hindi man mapantayan ang nakubrang medalya may dalawang taon na ang nakalilipas.
Pinalakas ang kampanya ng boxing sa 29th SEAG edition sa nakamit na gintong medalya sa katatapos na 2017 ASBC Asian Junior Boxing Championships sa Kazakhstan.
Bunsod ng matikas na kampanya sa Asian tilt, nakatuon ang pansin ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) sa impresibong kampanya sa SEA Games at World Games sa September.
Pangungunahan ni Olympian Charly Suarez ang 6-man Philippine campaign sa Kuala Lumpur. Nakapagwagi si Suarez, sasabak sa light welterweight category, ng dalawang ginto sa huling dalawang edisyon ng biennial meet.
Nakuha niya ang ginto sa flyweight noong 2009, bago tumaas ng timbang para sa ikalawang SEAG gold bilang featherweight fighter noong 2011.
Nasa koponan din sina Carlo Paalam (48 kg), Eumir Felix Marcial (75 kg), Ian Clark Bautista (52 kg), Mario Fernandez (56 kg) at Marvin John Nobel Tupas (kg).