Ni: Rommel Tabbad, Beth Camia, at Leonel Abasola

Sumuko at nagpiyansa kahapon si Senator Gregorio “Gringo” Honasan kaugnay ng umano’y maanomalyang paggamit niya sa P30 milyon sa kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF), o “pork barrel”, noong 2012.

Kasama ni Honasan ang abogado niyang si Atty. Dennis Manalo nang sumuko siya sa himpilan ng Biñan Police sa Laguna bandang 8:15 ng umaga kahapon.

Sa halip na magtungo sa Sandiganbayan, minabuti na lamang ni Honasan na dumiretso kay Biñan City Regional Trial Court Executive Judge Teodoro Solis upang magpiyansa ng P60,000 para sa dalawang bilang ng kasong graft na kinahaharap nito.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Sinabi ng senador na isinaalang-alang niya ang kanyang seguridad kaya sa korte sa Laguna na lamang siya sumuko.

Paliwanag ni Honasan, nai-coordinate na ang kanyang pagsuko at napagkasunduang dadalhin na lamang ng court sheriff sa anti-graft couft ang kanyang piyansa.

Isinailalim sa booking process ang senador, at kinuhanan ng vital signs.

Naglabas na rin ng release order ang korte sa Biñan upang pansamantalang makalaya ang senador.

Huwebes nang ilabas ng Sandiganbayan ang arrest warrant laban kay Honasan dahil sa mga kuwestiyonableng proyekto nito para sa Muslim communities sa Metro Manila at Zambales noong 2012.

“I am completely innocent of the charges against me. All my life I have fought everything I am accused of, and I will continue to do so,” sabi ni Honasan.