NI: Ric Valmonte

INAKUSAHAN si Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista ng kanyang maybahay, si Patricia, na nagkamal ng P1 bilyong ill-gotten wealth. Nadiskubre umano nito ang mga bank at real property documents at ilang passbook na nakapangalan sa kanya na hindi kasama sa kanyang 2016 Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN). Sa nasabing SALN, ang ideneklara lamang ng Chairman na kanyang networth ay P126.3 milyon.

Nasa “hot seat” din si Commissioner Faeldon dahil sa P6.4-billion shabu shipment na nakalusot sa Bureau of Customs (BoC) at natunton sa isang warehouse sa Valenzuela City. Bukod sa matinding kurapsiyon na nadiskubre ng Senado at ng Kamara na nag-iimbestiga sa maanomalyang kargamento, nadiskubre rin nila na may hinirang na mga empleyado, pawang basketball players, ang Commissioner. Eh, wala naman pala silang alam na trabaho tungkol sa customs collection.

Sa dalawang magkasunod na pagdinig ng Senado at ng Kamara, hindi na sumipot si Faeldon. “Ganito bang klaseng sundalo ito (Faeldon), nagtatago siya sa saya ng kanyang Chief of Staff,” sabi ni Cong. Quimbo ng Marikina City. Si Faeldon ay isa sa mga sundalong nag-aklas noon laban kay dating Pangulong Gloria Arroyo dahil sa isyu ng kurapsiyon. Ngayon, siya naman ang nasa kalagayan ng dating Pangulo Arroyo. Inaakusahan din siya ng kurapsiyon. At ang binanggit ng Kongresista na kanyang Chief of Staff na nagpaliwanag kung bakit hindi siya nakadalo ay si lawyer-accountant Mandy Therese Anderson, na kinuwestiyon din ng mga mambabatas ang mga gawain sa BoC. Sukat ba namang lumalagda siya sa mga daily time record ng mga empleyado gayong lumalabas na hinirang lamang siyang consultant at hindi siya opisyal ng Customs.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang Comelec ay isa sa mga ahensiya ng gobyerno na nasa Saligang Batas. Ang mga itinalagang commissioner ay may pitong taong termino at maaalis lamang sa kanilang puwesto sa pamamagitan ng impeachment. Nais ng konstitusyon ang kasigurohan nila sa posisyon upang malaya nilang magampanan ang kanilang tungkulin. Pero mangyayari ba ito kay Chairman Bautista gayong inihabla na siya ng kanyang maybahay? May nakatutok nang imbestigasyon sa Senado laban sa kanya batay sa ibinunyag ng kanyang maybahay ukol sa kanyang ill-gotten wealth o tagong yaman na hindi niya idineklara sa kanyang SALN. Gagambalain siya ng iba’t ibang pagdinig. Mahihirapan na siyang pamunuan ang ahensiyang mangangalaga ng malinis at maayos na halalan. Bagamat si Commissioner Faeldon ay hinirang ng Pangulo, hindi rin siya nalalayo sa kalagayan ni Chairman Bautista kung ang pag-uusapan ay maayos at malinis na pagganap ng tungkulin.

Mahirap na siyang panaligan lalo na’t nakalusot sa kanya ang napakalaking shipment ng shabu na dahilan kung bakit napakarami nang napatay. Ang nalalabi na lang kina Bautista at Faeldon ay mag-resign.