Ni: Francis T. Wakefield

Kinumpirma kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na natagpuan nila ang tatlong kidnap victim ng Abu Sayyaf sa Talipao, Sulu, kahapon ng umaga, makaraang makatakas sa mga bandido.

Kinilala ni Brig. Gen. Cirilito Sobejana, commander ng Joint Task Force Sulu, ang mga nailigtas na bihag na sina Jason Pon Vailoces, Joel De Mesa Adanza, at Filemon Francisco Guerrero Jr.

Nauna rito, sinabi ni Sobejana na namataan ng mga residente ng Barangay Kagay sa Talipao, Sulu ang tatlong bihag bandang 9:00 ng umaga. Kaagad namang ipinagbigay-alam ang insidente sa mga opisyal ng barangay, na nag-report kaagad sa pulisya.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Kalaunan, nabatid na ang tatlong na-rescue ay pawang dinukot ng Abu Sayyaf sa Bgy. Tumaga, Zamboanga City.

Matatandaang Hulyo 15 ngayong taon nang puwersahang dinukot ng Abu Sayyaf ang tatlo mula sa barracks ng mga ito sa Provincial Sports Complex sa Bgy. Bangkal, Patikul, Sulu.

Ayon kay Sobejana, matapos ipagbigay-alam ng mga opisyal ng barangay sa Talipao Police ay kaagad na rumesponde sa lugar ang mga pulis kasama ang mga tropa mula sa 21st Infantry Battalion at 2nd Special Forces Battalion para ma-rescue ang tatlo.

Nasa kustodiya na ng Sulu Police Provincial Office (PPO) ang tatlong biktima.

Sinabi ni Sobejana na isinalaysay ng tatlo kung paanong dahil sa tuluy-tuloy na opensiba ng militar laban sa Abu Sayyaf ay nagpapalipat-lipat sila ng lugar kasama ang mga bandido sa pangunguna ni Almujer Yadah, hanggang sa mapadpad na sila sa mga komunidad na hindi sumusuporta sa grupo.

“Yesterday (Thursday) afternoon at around 4:00 p.m., while their abductors were praying, the kidnap victims find an opportunity to escape,” sabi ni Sobejana. “They ran for their lives until they reached a community in Bgy. Kagay early this morning where the locals helped them and turned them over to the authorities.”