Ni: Dave M. Veridiano, E.E.

ANG bilang na 177 ay isang malaking dagok sa larangan ng pamamahayag, ‘di lamang dito sa Pilipinas kundi sa lahat ng bansa sa buong mundo na umiiral ang demokrasya.

Ilang araw pa lamang kasi ang nakararaan ay umabot na sa bilang na ito – 177 - ang kaso ng mga pinatay na mamamahayag dito sa ating bansa simula pa noong 1986, at masakit sa dibdib na tanggapin na ito ay isa sa pinakamataas na naitala sa buong mundo… sa bansang sinasabing isa sa may pinakamalayang pamamahayag na tinatamasa ang mga taga-media.

Kaya naman mariin itong tinuligsa ng National Union of Journalist of the Philippines (NUJP) at nanawagan sa awtoridad na agad imbestigahan at lutasin ang dalawang magkasunod na pagpatay kina Rudy Alicaway at Leo Diaz, kapwa aktibong mamamahayag sa Mindanao na pinatay ng mga tinatawag na “riding-in-tandem” sa Zamboanga del Sur at Sultan Kudarat.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

“The NUJP calls for an immediate investigation on the separate killings of Alicaway and Diaz and demand the identification, arrest and prosecution of those involved,” sabi ni Dabet Panelo, secretary general ng NUJP, sa isang kalatas na ipinadala sa mga kasamahan sa media.

Si Alicaway, anchor ng istasyong dxPB ang Radyo ng Bayang Molave at councilman sa naturang bayan, ay inabangan umuwi ng dalawang “birador” na nakamotor at walang patumanggang pinagbabaril kahit na gumagapang na ito papalayo sa kinalugmukang kalsada. Inaalam pa ng awtoridad kung ano ang motibo sa pagpatay kay Alicaway at kasalukuyang naghahanap ng testigo ang mga imbestigador.

Kinabukasan, matapos patayin si Alicaway, isa na namang mamamahayag ang tinambangan habang papalabas ng kanilang bahay sa bayan ng Quirino sa Sultan Kudarat. Si Diaz, correspondent ng Balita at kolumnista ng Sapol at radio-reporter ng Radio Mindanao Network, ay nagtamo ng mga bala sa katawan. Blangko pa rin ang mga imbestigador sa motibo ng mga suspek.

Ang magkasunod na pagpatay sa dalawang mamamahayag ay naganap sa Mindanao habang nasa ilalim ito ng martial law na idineklara sa buong lugar upang madaling masugpo at maaresto ang mga taong nagdadala ng mga ilegal na armas na maaaring magamit sa pagsusulong ng gulong umiiral ngayon sa Marawi City.

Ang nakapagtataka rito ay kung papaanong nakalulusot pa rin ang mga armadong riding-in-tandem sa mga checkpoint ng pulis at militar na halos ay nasa bawat kanto na yata ng mga kalsada sa mga pangunahing lalawigan sa buong Mindanao…

sa aking palagay, maaari lamang mangyari ito kung ang mga riding-in-tandem ay hindi nasisita at maluwag na nakalulusot dahil pinalulusot ng mga kakilala o kasamahan nilang nagmamando sa mga checkpoint.

Ganito rin ang nagaganap dito sa Metro Manila, sunud-sunod na pagpatay sa mga umano’y adik at tulak ng droga na kagagawan ng mga riding-in-tandem sa matataong lugar at palaging may nakalatag na checkpoint…’matay ko mang isipin, ‘di makalulusot ang mga ito sa talas ng mata at pakiramdam ng mga nagtse-checkpoint na pulis sa Metro Manila - na pati mga wallet ng rider ay binubulatlat – kung ang mga ito ay ‘di nila kakilala at dating kasamahan sa serbisyo!

Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]