Nina AARON RECUENCO at FER TABOY

Sinibak sa puwesto ang head ng anti-drugs unit ng Fairview Police station at tatlo nitong tauhan matapos arestuhin ang driver ng station commander sa umano’y pangongotong sa inarestong drug personality sa Quezon City.

Kinilala ang mga sinibak na sina Insp. Severino Busa, head ng Fairview Police Station Drug Enforcement Unit; at tauhan niyang sina SPO3 Marlo Sammy, PO3 Henry Tingle, at PO1 Marlon Fajardo.

Ang relief order ni Quezon City Police Station director Chief Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar ay kasunod ng pagkakaaresto kay Joseph Ruallo sa entrapment operation ng Counter-Intelligence Task Force, bandang 3:00 ng hapon kamakalawa.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Sa hindi inaasahan, isinagawa ang entrapment sa kasagsagan ng 116th Police Service Anniversary sa Camp Crame kung saan binalaan ni Pangulong Duterte ang mga pasaway na pulis.

Ayon kay CITF commander Senior Supt. Chiquito Malayo, na isa sa mga pinarangalan sa Police Service Anniversary, inaresto si Ruallo habang tinatanggap ang P15,000 mula sa mga magulang ng inarestong drug personality.

“The asking price is P50,000 in exchange for the downgrading of the case that would be filed against the arrested suspect. The demand was later reduced to P15,000,” ani Malayo.

Napag-alaman na ang kaso ay pagtutulak ng droga at nangako umano si Ruallo na ibaba ang kaso sa possession upang makapagpiyansa ang inaresto.

“Accordingly, he was tasked by the SDEU arresting officers for the negotiations,” ayon kay Malayo.

Nang kilalanin, sinabi ni Ruallo na siya ang driver ni Supt. Bobby Glen Ganipac, ang station commander ng Fairview Police Station.

Sa isang panayam, sinabi ni Eleazar na nakausap na niya si Ganipac at sinabing minsan na niyang naging driver si Ruallo.

Nakuha mula kay Ruallo ang isang .45 pistol, ang P15,000 marked money at P5,000 cash.