Ni REGGEE BONOAN
KAPURI-PURI ang pagiging masinop ni Kiray Celis sa kanyang kinikita.
Sa loob ng mahabang panahon ay umuupa ng bahay ang kanyang pamilya, pero heto at may sarili na silang bahay at lupa na malapit din lang sa dati nilang tirahan sa Maynila.
Ito naman kasi talaga ang ultimate dream ni Kiray, magkaroon ng sariling house and lot kaya kayod to the max siya at masuwerteng masinop din ang mga magulang niya kaya nakatabi lahat ng mga kinikita niya.
“Buong buhay ko naman po, nagwo-work na ako, sila (magulang) po nag-aayos ng pera ko, matagal na po kami bibili, ‘tapos ibinenta po sa amin ito (lupa), ito po nagustuhan nina Papa at Mama po,” pahayag ng komedyana nang kontakin namin.
Noong nakaraang taon nabili nina Kiray ang lupa at nitong Hulyo 4 naman natapos ang pagpapatayo sa bahay na inumpisahan noong Pebrero.
“Actually, December last year lang po ako nakabili ng lot, ‘tapos February 2017 lang ‘pinatayo ang bahay namin na four storey at nitong July lang po natapos. Buong buhay ko po, nagre-rent lang kami, Tita Reggs.”
Malaki ang ipinagawang bahay ni Kiray.
“Limang rooms po, lahat kaming magkakapatid ay may mga sariling kuwarto na po. Sa dating tinitirhan lang po kami nakabili, two streets away lang po kung saan kami nagre-rent. Dito na po kasi lumaki sina Mama at Papa ko po.”
Nakakaaliw ang design ng kuwarto ng dalaga. Spongebob na paborito niya ang laman ng kanyang buong bedroom niya.
Pitong taong gulang siya nu’ng magustuhan niya si Spongebob kaya pangako niya sa sarili, kapag nagkaroon siya ng sarili niyang kuwarto ay pupunuin niya ng imahe nito.
Ano ba nagustuhan niya kay Spongebob?
“Ang cute niya kasi, ewan ko po, siya talaga favorite ko since Goin’ Bulilit days pa po. ‘Tapos nagtuluy-tuloy na, he-he-he,” mensahe ni Kiray sa amin.
Nag-post si Kiray sa social media ng kanyang magandang kuwarto na pawang Spongebob ang makikita mula sa wall paper, headboard ng kama, dresser, built-in cabinet, banyo, doormat, shower curtain, unan at sangkaterbang stuff toys.
Ang caption ng dalaga sa post niya, “Nangarap, nagsikap, nagsipag...NATUTUPAD PALA! Welcome to my room!”