ni Ben R. Rosario at Leslie Ann G. Aquino

Dedesisyunan ngayon ng Kamara kung aaprubahan o hindi ang proposal ng Malacañang na kanselahing muli ang barangay at Sangguniang Kabataan elections at payagan ang pagtatalaga ng mga opisyal sa mga bakanteng posisyon.

Ayon kay Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas, pagtutuunan sa pulong ang tatlong panukala para muling ipagpaliban ang barangay elections sa Oktubre.

Kasalukuyang nakabimbin sa House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang House Bills 5359, 5361 at 5380 nina Surigao del Norte Rep. Robert Ace S. Barbers, Marinduque Rep. Lord Allan Q. Velasco, at ANAC-IP Party-list Rep. Jose T. Panganiban Jr., ayon sa pagkakasunod.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Inihain nila ang panukala matapos ihayag ni Pangulong Duterte ang pagnanais na kanselahin ng Kongreso ang barangay at SK elections sa ikalawang pagkakataon sa kanyang termino.

Sinabi ni CIBAC Party-list Rep. Sherwin Tugna, suffrage and electoral reform panel chairman, na handa ang House panel na magsagawa ng serye ng public hearing sa mga nasabing panukala.

Binalaan naman ng mga taga-oposisyon na sina Albay Rep. Edcel Lagman at Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano ang Kongreso laban sa pag-aapruba sa mga panukala, pinaalalahanan na ang kahit anong aksiyon sa pagpapalit ng mga opisyal ng barangay ng itinalagang officers-in-charge (OICs) ay unconstitutional.

Kaugnay nito, sinabi ng isang arsobispo na dahil sa martial law ay dapat lang na hindi ituloy ang barangay at Sangguniang Kabataan polls sa Mindanao.

Ayon kay Ozamiz Archbishop Martin Jumoad, kinakailangan ang eleksiyon sa isang demokratikong lipunan kaya kailangan itong idaos sa itinakdang panahon.