MULI na namang dadaan si dating IBF light flyweight at flyweight champion Johnriel “Quadro Alas” Casimero sa eliminasyon para maging kampeong pandaigdig sa pagkasa sa kababayang si Jonas “Zorro” Sultan para maging mandatory challenger ng kampoeng Pilipino rin na si Jerwin Ancajas.

Magiging undercard ang IBF super flyweight title eliminator nina Casimero at Ancajas sa Pinoy Pride 42 sa Setyembre 6 sa Waterfront Cebu City Hotel and Casino na idedepensa ni IBF light flyweight champion Milan Melindo ang kanyang belt kay IBO titlist Hekkie Budler ng South Africa.

Inihayag sa mga mamamahayag kamakailan ni ALA Promotions president Michael Aldeguer ang eliminasyon ng dalawang Pinoy boxer para hamunin ang kampeong pandaigdig na Pilipino rin.

“It took us a lot of time to make this decision. It’s going to be a breakout event for us and will be one of the biggest fight cards that we put up,” ani Aldeguer. “It’s an all-Filipino war for the mandatory slot and for sure it will bring excitement to boxing fans.”

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sumikat si Sultan nang magkasunod patulugin sina world rated Makazole Tete ng South Africa at dating WBC at Ring Magazine flyweight titlist Sonny Boy Jaro para umangat sa IBF bilang No. 8 contender.

May rekord si Sultan na 13-3-0, na may 9 panalo sa knockouts kumpara kay Casimero na 24-3-0, tampok ang 15 knockout at lumaban na sa mga bansang Nicaragua, South Africa, Argentina, Mexico, Panama, Thailand at Great Britain. - Gilbert Espeña