ni Clemen Bautista
NAGHATID ng matinding takot sa mga narco-politician at sa iba pang sangkot sa ilegal na droga ang madugong pagsalakay ng mga pulis sa bahay ni Ozamiz City Mayor Reynaldo Parajinog. Napatay ang alkalde at ang misis nito, ang kapatid na board member at 13 iba pa. Naganap ang madugong police operation nitong Hulyo 30, nang magsilbi ng search warrant ang mga operatiba ng Ozamiz City Police.
Sa nasabing operasyon, nadakip ang dalawang anak ni Mayor Parajinog na sina Vice Mayor Nova Princess Parajinog Echaves at Reynaldo Parajinog, Jr. Ang magkapatid na Parajinog ay dinala ng mga tauhan ng Criminal Investigation Detection Group (CIDG) sa Camp Crame, Quezon City. Makalipas ang mahigit 36 na oras, ang magkapatid na Parajinog ay na-inquest din sa piskalya. Ang inirekomendang kasong isampa laban sa magkapatid ay illegal possession of firearms at possession of illegal drugs.
Halos manginig na sa takot ang mga sangkot sa ilegal na droga na sirkero at payaso sa pulitika nang sabihin ni PNP Chief Director Genaral Ronald dela Rosa na marami pang matinding pagsalakay na gagawin ang pulisya laban sa mga hinihinalang drug lord sa bansa. Ayon pa sa PNP Chief, marami pang susunod. Kaya, maghintay-hintay lamang. Binalaan din niya ang mga narco-politician na nasa narco-list ni Pangulong Duterte na sumuko na. Upang maging makatarungan sa mga narco-politician, ang nangyari sa mayor ng Ozamiz City ay magsilbing babala sa lahat na ang PNP ay walang sinasanto pagdating sa pagpapatupad ng batas. Walang takot at walang pinapaboran.
Ayon naman kay CIDG chief Director Roel Obusan, “kaya nga may nahuli tayo kasi we are not meant to kill. ‘Yung mga lumalaban lang. It erases the doubt of the lawyer na they are meant to be liquidated. Kasi, kung talagang iyon ang aming intensiyon, napatay na sanang lahat. Si Madam Nova, wala na rin sana. We really intent to bring them to justice alive. Kaya lang, ang nangyayari kung minsan, lumalaban sila ‘yung may private army, and we were fired upon before entering the premises”.
Sa nasabing pangyayari, hindi naiwasan na magbigay ng kani-kanilang pananaw at magtanong ang iba nating kababayan at ang ilan sa ating mga senador. Nagtanong sina Senador Franklin Drilon at Sendor Chiz Escudero sa ginawang police operation, partikular na ang pagsisilbi ng warrant ng madaling araw, dahil “too much coincidence” umano ang nangyaring raid sa bahay ng mga Parajinog at ang pagpatay kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa sa loob ng selda. Ang pagpatay kay Mayor Espinosa ay naganap nang madaling araw noong Nobyembre 5, 2016.
Naitanong pa ni Senador Franklin Drilon: “Why are search warrant served before dawn as in the cases of Mayor Espinosa and now Mayor Parajinog result in the deaths of the persons being searched? Both are tagged drug lords. Too much of a coincidence?” Sinagot ni Dela Rosa na ang search warrant ay maaaring isilbi ng kahit anong oras sa araw man o gabi.
Sa nagaganap na pang-aabuso ng mga pulis sa tungkulin, pinaalalahanan sila ni Escudero. Ayon kay Escudero, limang taon na lamang sa puwesto ang kasalukuyang administrasyon kaya, kapag nilabag nila ang umiiral nating mga batas, ang mga pulis ay maaaring managot makalipas ang anim na taon. Kaya, huwag silang masyadong mag-isip na protektado sila habambuhay.
Sa mga nabanggit na pangalan na nasa narco-list isa na sangkot umano sa illegal drug trade ay ang negosyanteng si Peter Lim. Ayon kay Peter Lim, dahil sa maling paratang sa kanya, maaaring isipin ng mga tao na totoo ang paratang sa kanya. Hindi gawang biro na paratangan siya sa isang bagay na kailanman ay hindi niya ginawa at hinding-hindi niya gagawin.
Ang giyera kontra droga ay nagresulta sa pagtimbuwang ng mahigit 8,000 drug suspect na pawang nakatsinelas at marurumi ang sakong. At tatlong mayor na ang napatay na pinaghihinalaang sangkot sa illegal drug trade. Sa patuloy na police operation laban sa droga, tiyak na nag-iibayo ang takot ng mga narco-politician. Baka sila na kasi ang susunod na titimbuwang.