Ni: Celo Lagmay

MAAARING taliwas sa paniniwala ng iba’t ibang sektor, subalit labis kong ikinatutuwa ang lumalakas na pagsisikap ng mga kaalyado ng administrasyon upang buhayin ang Reserve Officers Training Corps (ROTC). Magugunita na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagpahayag na marapat ibalik ang naturang programa sa mga kolehiyo at unibersidad sa buong bansa; binigyang-diin niya ito sa kanyang 2016 State of the Nation Address (SONA).

Matagal nang naging bahagi ng ating krusada ang pagbabalik ng ROTC program na ipinatigil noong 2001; bahagi ito ng ating paninindigan na ang naturang kurso ay epektibo hindi lamang sa pagkikintal ng tunay na disiplina sa mga kabataan kundi magiging patnubay pa sa mga gawaing pangkomunidad.

Lalong matindi ang adhikain ng Kongreso na buhayin ang ROTC. Sa magkahawig na panukalang-batas na inihain nina Senate President Aquilino Pimentel at dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na ngayon ay Kinatawan ng Pampanga, palalawakin ang nabanggit na kurso upang masaklaw ang iba pang larangan ng pagsasanay at pagseserbisyo. Tampok sa bill ang paglikha ng Citizen Service Training Course (CSTC) na tututok sa pagsasanay ng mga kabataan upang makatulong sa pamahalaan sa panahon ng pangangailangan. Magkakaloob din ito ng pagsasanay sa external territorial at defense security at iba pang kaalaman tungkol sa pagsaklolo sa mga biktima ng kalamidad at iba pang kapahamakan.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Naniniwala rin ako na ang pag-ugong ng suporta ni Secretary Delfin Lorenzana ng Department of National Defense (DND) ay isang puwersa sa pagbuhay ng ROTC. Makabuluhan ang kanyang pananaw, lalo na kung iisipin na siya ay naging Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines; may matayog na pagpapahalaga sa military discipline na bahagi rin ng ROTC.

Katanggap-tanggap din na ang ROTC program ay dapat na lamang itakda sa buong summer classes sa halip na tuwing weekend (Sabado at Linggo), tulad ng ating nakagawian. Sa gayon, magiging epektibo ang mga pagsasanay. Bukod dito, nais din ng DND Chief na maging moderno ang mga ginagamit sa ROTC training. Ibig sabihin, tunay ng M16 rifles ang ipagagamit sa mga kadete sa halip na wooden replica o mga lumang Springfield rifles.

Sa pagbuhay at pagpapalawak ng saklaw ng ROTC, marapat tiyakin ng kinauukulang mga awtoridad na hindi na mauulit ang mga alingasngas at malagim na pangyayari na naging dahilan ng mistulang pagpatay sa naturang programa noong 2001.

Kabilang dito ang pagpaslang sa isang kadete na sinasabing nagbunyag ng mga katiwalian sa nasabing training program sa University of Sto. Tomas. Dapat higpitan ang pagpapatupad ng batas laban sa hazing, sexual harassment at iba pang pagsasamantala ng mga nangangasiwa ng nasabing training program.

Hindi dapat mag-atubili si Pangulong Duterte upang sertipikahan bilang “urgent” ang nabanggit na mga bill sa pagbuhay ng ROTC.