Nina AARON RECUENCO at FER TABOY, ulat ni Leonel M. Abasola

Walo sa 15 kataong nasawi sa madugong raid sa Ozamiz City, kabilang si Mayor Reynaldo Parojinog Sr. at kapatid nitong si Octavio, ang nagpositibo sa paraffin test na isinagawa ng Philippine National Police (PNP).

Sinabi ni Chief Supt. Dionardo Carlos, tagapagsalita ng PNP, na ang natitirang pitong nasawi, gayundin ang ika-16 na pumanaw sa ospital kamakailan at kaanak din ng mga Parojinog, ay hindi isinailalim sa paraffin test alinsunod sa kahilingan ng pamilya ng mga ito.

“This will help determine about firearms used and firearms were nearby that were recovered in the premises were used, and if there was a gun battle,” sabi ni Carlos.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Una nang sinabi ng survivor sa raid na walang nangyaring engkuwentro at lahat ng biktima ay tinipon umano sa isang silid kung saan umano naghagis ng granada ang isang pulis, habang ang mga nakaligtas sa pagsabog ay binaril naman umano nang malapitan.

Batay naman sa resulta ng awtopsiya sa walong nasawi, ang misis ng alkalde na si Susan, ang kapatid niyang si Octavio, at ang asawa ng huli ay pawang namatay sa pagsabog.

Iginiit naman ng lokal na pulisya na ang kampo ni Parojinog ang naghagis ng granada, batay na rin sa grenade pin na nakuha sa kamay ng isa sa mga napatay na bodyguard ng alkalde.

Base pa rin sa autopsy report, sinabi ni Carlos na hindi sa pagsabog nasawi ang mayor kundi sa tama ng bala sa dibdib at mukha.

Samantala, duda si Senator Panfilo Lacson kung maiimbestigahan ng kanyang komite ang madugong Ozamiz raid, sinabing magkakaroon lamang ng pagsisiyasat kung may lalantad na testigo.

Una nang sinabi ni Lacson na sa kanyang personal na opinyon ay hindi na dapat pang imbestigahan ang insidente dahil batid naman ng lahat kung ano ang negosyo ng pamilya Parojinog.

Matatandaang aktibong opisyal ng pulisya si Lacson nang makaengkuwentro ng kanyang grupo ang grupo ng noon ay hindi pa alkaldeng si Parojinog, na sinasabing leader ng Kuratong Baleleng.

“I haven't read the resolution yet. If witnesses are willing to face the Senate to testify on the probability of summary executions or excesses in the police operations conducted, I believe that an investigation is in order,” ani Lacson.