Ni: Jeffrey G. Damicog
Ipinag-utos ni Department of Justice (DoJ) Secretary Vitaliano Aguirre II na ilagay sa Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) ang pitong katao na umano’y sangkot sa pagpupuslit sa bansa ng P6.4-bilyon halaga ng shabu.
Nag-isyu si Aguirre ng memorandum, may petsang Agosto 2, na nag-aatas kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente na ilagay sa ILBO si Richard Tan, alyas “Richard Chen”, “Chen Yu Long”, at “Ken Joo Lung”; ang umano’y middleman ni Tan na si Kenneth Dong; Fidel Dee; Mark Ruben Taguba, private customs broker; Larribert Hilario, head ng Risk Management Office of the Bureau of Customs (BoC); at ang Taiwanese na sina Jhu Ming Jyun at Chen Min.
Ipinag-utos ito ng hepe ng DoJ sa kahilingan ni Senador Richard Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, na kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon sa pagpupuslit ng 604 na kilo ng shabu, na nagkakahalaga ng P6.4 bilyon.