Ni Marivic Awitan

Mga laro ngayon sa

Letran gym

2 p.m.- Letran vs St. Benilde (jrs)

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

4 p.m.- Letran vs St. Benilde (srs)

Tatargetin ng Letran ang kanilang ikatlong sunod na panalo sa kanilang nakatakdang paghu-host sa College of St. Benilde ngayong hapon sa pagpapatuloy ng NCAA on Tour bilang bahagi ng Season 93 basketball tournament sa kanilang homecourt sa Intramuros.

Sasakyan ng Knights ang naitalang 82-75 na panalo kontra Arellano University noong nakaraang Martes sa pagpuntirya ng ikatlong dikit nilang panalo sa paghaharap nila ng Blazers ngayong 4:00 ng hapon pagkatapos ng unang laban ganap na 2:00 ng hapon na tampok ang kani-kanilang mga junior teams.

Para kay Letran coach Jeff Napa, hindi bentahe para sa Knights ang paglalaro sa homecourt dahil dagdag na pressure pa aniya ito sa pagkakaroon ng saloobing kailangang hindi sila matalo sa harap ng mga Letranista.

At kahit nasa ilalim ng standings ngayon ang Blazers, hindi sila dapat na maging kampante sa kanilang tsansa.

“Hindi namin sila puwedeng biruin, kasi we have so much respect for their pride,” ani Napa.

Magbubuhat ang Blazers sa nakapanlulumong 43-puntos na pagkatalo sa kamay ng namumuno ngayong Lyceum, 55-98 noon ding nakaraang Martes na nagbaba sa mga ito sa markang 1-3, panalo-talo kasama ng Mapua sa ilalim ng standings.

“They’re a resilient team and we expect them to bounce back from that loss. We just have to be ready,” ayon pa kay Napa.

Inaasahan ni Napa na muling mag-i-step-up ang kaniyang mga players gaya ng ginawa nina Jeo Ambohot at Jeremiah Taladua noong nakalipas na laban nila sa Arellano kung saan tumapos silang kapwa may double-double kasama ng Knights topgun na si Rey Nambatac.