Ni MARS W. MOSQUEDA, JR.
CEBU CITY – Nagsagawa ng noise barrage ang mga bilanggo sa Cebu City Jail nitong Biyernes ng gabi bilang protesta sa anila’y mga abusadong tauhan ng piitan matapos na mahuli ang isang tumakas na bilanggo.
Pinausukan ng tear gas ng mga tauhan ng bilangguan ang mga bilanggo sa Cell 1 upang patigilin ang mga ito sa pag-iingay. Sa nasabing selda pumuga si Marvin Gimpeso, na muling naaresto ng mga pulis ilang araw makaraang makatakas.
Kaagad nagpadala ng imbestigador ang Commission on Human Rights (CHR)-Region 7 sa kulungan kahapon ng umaga, upang imbestigahan ang reklamong pinahirapan at pinarusahan umano si Gimpeso nang ito’y muling maaresto.
Nakatanggap umano si Cebu City Councilor Dave Tumulak ng impormasyon na ibiniting patiwarik at pinahirapan si Gimpeso, na nagbunsod sa mga kapwa bilanggo na magsagawa ng noise barrage.
Una nang ipinahayag ni Gimpeso na napilitan siyang tumakas dahil sa umano’y pang-aabuso ng mga tauhan ng bilangguan, at bilang protesta sa pagkaing isinisilbi sa mga bilanggo.
Ayon kay Tumulak, nagulat siya nang mabalitaang naibalik na sa kulungan si Gimpeso, kahit nagbigay ito ng kautusan sa mga tauhan ng kulungan na panatilihing nasa ospital si Gimpeso para sa gamutan.
Inamin ni Jail Warden Supt. Arnel Peralta na kinailangan ng kanyang mga tauhan na hagisan ng tear gas ang Cell 1 upang matigil ang pag-iingay at huwag nang palakihin ang tensiyon.
Itinanggi naman ni Peralta ang alegasyon ng pagpapahirap at pang-aabuso ng mga tauhan ng bilangguan.
Samantala, natagpuan ang 20 gramo ng shabu, na nagkakahalaga ng R236,000, sa kantina ng Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center (CPDRC), matapos itong pasukin at inspeksiyunin kahapon ng hapon.
Ayon kay Chief Insp. Rolan Aliser, hepe ng drug enforcement unit ng Cebu Police Provincial Office, natagpuan ang 27 maliliit na sachet, dalawang medium pack, at dalawang malaking pakete ng hinihinalang shabu sa mga tray ng itlog sa counter, habang ang iba naman ay natagpuan sa kisame ng kantina.
Bukod sa shabu, umabot sa 27 cell phone at charger, isang portable DVD player, matatalim na armas, at isang papel na naglalaman ng ilegal na numbers game (swertres) at P18,000 cash ang nakumpiska mula sa mga cell number 69, 73, 32, at 46 ng panlalaking kulungan sa nasabing pasilidad.