Ni: Czarina Nicole O. Ong
Sinampahan kahapon ng mga kasong graft si Senator Gregorio “Gringo” Honasan II sa Sandiganbayan dahil sa umano’y maanomalyang paggamit ng kanyang P29.1-milyon Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong 2012.
Kinasuhan si Honasan, ang ikaapat na senador na kinasuhan sa PDAF scam, ng dalawang bilang ng paglabag sa Section 3(e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019).
Sinampahan siya ng kaso sa paglalabas umano ng kanyang PDAF sa National Council of Muslim Filipinos (NCMF) noong Abril 2012, na layuning tulungan ang maliliit na livelihood project para sa mga Muslim sa Metro Manila at Zambales.
Inendorso ni Honasan ang Focus Development Goals Foundation, Inc. bilang implementing non-government organization (NGO). Gayunman, natuklasan ng Office of the Ombudsman na inendorso ang nasabing NGO kahit hindi ito tumalima sa procurement regulations.
Bukod kay Honasan, kinasuhan din sina Political Affairs and Project Coordinator Chief Michael Benjamin, ang NCMF executives na sina Secretary Mehol Sadain, Acting Chief Accountant Fedelina Aldanese, Director III Galay Makalinggan, acting Chief Aurora Aragon-Mabang, at ang cashier na si Olga Galido. Nahaharap din sa kaparehong kaso sina Giovanni Manuel Gaerlan at Salvador Gaerlan ng Focus.