Ni: Bert de Guzman

UMAAPELA ang Malacañang sa publiko na makipagtulungan sa awtoridad sa pagpapatupad ng Executive Order (EO) hinggil sa pagbabawal ng paninigarilyo. Para sa akin, ito ay isang mahalaga at makabuluhang hakbang ng Duterte administration upang mapangalagaan ang kalusugan ng may 104 milyong Pilipino.

Sinabi ni Presidential spokesman Ernesto Abella, ang kautusan ay isang “milestone” na binibigyang-prayoridad ng pamahalaan ang kalusugan ng mga mamamayan. Ito, ayon kay Abella, ang katuparan ng ating adhikain na maging tobacco-free ang Pilipinas sa hinaharap. Kailangang suportahan ng taumbayan ang pagbabawal sa paninigarilyo sa mga pambayang lugar, tulad ng paaralan, kainan, at ng mga kulob na lugar o enclosed places. Hindi lang sa illegal drugs.

Batay sa EO 26, ipinagbabawal na manigarilyo sa enclosed public places, public utility vehicles. Bawal ding pagbilhan ng sigarilyo ang mga menor de edad. Karapat-dapat na suportahan ito ng ating mga kababayan sapagkat malaking perhuwisyo ang paninigarilyo, hindi lang sa smokers kundi maging sa ‘di naninigarilyo na nakalalanghap ng may lasong usok. Bukod sa emphysema, marami pang sakit sa baga ang dulot ng nicotine ng sigarilyo.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Patuloy ang pagkantiyaw ni President Rodrigo Roa Duterte sa US kahit patuloy ang pagtulong nito sa kanyang administrasyon, tulad ng nangyayari ngayon sa Marawi City na sinalakay ng teroristang Maute-ISIS Group. Sa pagbubukas o grand opening ng makasaysayang Army and Navy Club katabi ng US Embassy, sinabi niyang nakatutuwang malaman na ito ay hindi na pag-aari ng mga Kano kundi ng mga Chinese na.

Ang makasaysayang gusali ay sumailalim sa restorasyon na ginastusan ng P2.4 bilyon na ngayon ay pag-aari ng Filipino-Chinese businessmen. Sabi ni PRRD: “The American-owned Army and Navy Club, it’s now so beautiful, much maybe prettier than the original one.” Ang bagong pangalan nito ay Rizal Park Hotel, katabi ng US Embassy at ng Quirino Grandstand. Talaga bang ang ikinagalit ni PDU30 sa Kano ay bunsod ng komento ni exPres. US Barack Obama sa umano’y extrajudicial killings sa kampanya laban sa illegal drugs o dahil minsan ay hindi siya binigyan ng US visa?

Para sa mga mahistrado ng Korte Suprema, ang poll protest ni ex-Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. laban kay Vice Pres. Leni Robredo ay maglalagay sa alanganin at duda sa resulta ng buong 2016 election process. Ibig sabihin, maging ang pagkakahalal kay ex-Davao City Mayor Rodrigo Duterte ay kaduda-duda rin, pati na ang pagkakahalal ng 24 na senador. Naghain ng protesta si Bongbong laban kay beautiful Leni dahil siya raw ay dinaya. Abangan natin ang mga susunod na kabanata ng Marcos vs Leni.

Hindi pala totoo na libre na ang matrikula ng mga estudyante sa mga kolehiyo at unibersidad na pinatatakbo ng gobyerno ngayong 2018. Ito raw palang free tuition sa state colleges at universities ay minsanan lang, ayon sa maka-kaliwang grupo, dahil hindi na ipinagpatuloy ang pagkakaloob ng pondo para sa free higher education ngayong 2018 national budget. Ayon kina ACT Teachers Reps. Antonio Tinio at France Castro, ang kabuuang budget ng Commission on Higher Education (CHEd) ay sumisid sa P6.29 bilyon sa susunod na taon (2018).

Para sa ilang bakwit na bata na apektado ng gulo at karahasan sa Marawi City, itinuturing nilang “mga bayani” ang mga mandirigma ng Islamic State (IS). Nang tanungin ang mga batang-Marawi kung ano ang gusto nila paglaki, nais daw nilang umanib sa IS dahil binibigyan sila ng pagkain at binabayaran ang kanilang mga ama. Wala raw silang natatanggap mula sa pamahalaan. Maaari raw na ganito ang attitude ng mga bata bunsod ng daan-daang taong galit sa American at Spanish colonizers ng kanilang mga ninuno. Dapat kumilos tungkol dito ang ating Pangulo lalo na at madalas niyang sabihin na siya ay may dugong-Maranaw.