Ni AARON B. RECUENCO

Binigyan ng 15 araw ang mga police regional director sa bansa upang tuluyan nang lipulin ang illegal numbers game, partikular na ang jueteng, sa Metro Manila at Luzon sa harap ng mga pagbatikos sa umano’y “anemic performance” ng Philippine National Police (PNP) sa pagtugis sa mga financier ng ilegal na sugal.

Nagbabala rin si PNP chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa sa mga regional director na mabibigong tumupad sa kanyang utos na hindi siya magdadalawang-isip na sibakin ang mga ito sa kani-kanilang puwesto at palitan ng epektibong gawin ang nasabing trabaho.

“I am directing all Regional Directors to go all out against illegal gambling. I am giving them 15 days to stop illegal gambling. I think it’s enough (time),” sabi ni dela Rosa.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Upang maging patas, sinabi ni dela Rosa na binigyan niya ng kapangyarihan ang mga regional director na sibakin sa tungkulin ang mga papalpak na provincial director, at ang mga provincial director naman ay malayang tanggalin sa puwesto ang mga hepeng hindi makikiisa sa kampanya kontra ilegal na sugal.

Una nang binatikos ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Alexander Balutan ang pamunuan ng PNP sa hindi pagtugon sa problema sa ilegal na sugal, partikular na ang gumagamit sa Small Town Lottery (STL) bilang front ng jueteng.

Nagbanta pa ni Balutan na isusulong niyang bawasan ng 50 porsiyento ang bahagi ng PNP sa kita ng PCSO sa operasyon ng STL.

Sinabi naman ni dela Rosa na kahit pa bawiin na ng PCSO ang lahat ng bahagi ng PNP sa kita nito ay walang problema sa kanya basta huwag lamang gamiting scapegoat at sisihin ng ahensiya ang pulisya sa pagiging talamak ng ilegal na sugal sa bansa.

“We can operate without them (PCSO) supporting us. But don’t use as as scapegoat, we will do our job,” sabi ni dela Rosa.

“I promise that we will do our job, we will be eliminating illegal gambling. Fifteen days is enough. If not, we will start relieving commanders,” dagdag ni dela Rosa.