Ni ALI G. MACABALANG

MARAWI CITY – Nakapaloob na lamang sa dalawang barangay sa Marawi City ang bakbakan sa pagitan ng puwersa ng gobyerno at ng Maute Group, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sa kanyang televised regular media briefing mula sa Metro Manila nitong Biyernes, hindi tinukoy ni AFP spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla ang mga partikular na lugar na pinangyayarihan ng bakbakan, at sinabi lang na wala nang isang kilometro ang lugar na hawak ng mga terorista.

Inihayag din ng militar na nakabase sa Mindanao at ng mga lokal na opisyal na Maranao na pinayagan na nila ang ilang bakwit na umuwi sa mga bayan ng mga ito na nakapaligid sa Lake Lanao, kung saan nag-alok ang mga lokal na pamahalaan na kukupkupin muna sila hanggang hindi pa lubos na napapalaya ang Marawi mula sa Maute at Islamic State.

Eleksyon

Sara for President? VP Sara, inalis OVP seal sa kampanya; biro niya, palitan daw ng OP seal

Una nang nag-alok ng ayuda ang mga alkalde ng Taraka, Madalem at iba pang bayan sa paligid ng Lake Lanao para sa mga bakwit na gusto nang umalis sa mga evacuation center.

Tiniyak naman ni Lanao del Sur Vice Gov. Mamintal Alonto-Adiong Jr. na pagsisilbihan pa rin ng mga social workers at humanitarian volunteers ang bakwit na mananatili sa mga evacuation center.

Makalipas ang 10 linggong labanan, nasa 114 na mula sa tropa ng gobyerno ang nasasawi sa bakbakan, gayundin ang 45 sibilyan at 471 terorista, ayon sa AFP.