Ni: Reggee Bonoan

HINDI expected ni Yohan Hwang ang pagkakapasok niya sa music industry dahil wala naman siyang koneksiyon at higit sa lahat, magtatatlong taon pa lang siya sa Pilipinas kasama ang magulang na Koreano.

Kuwento niya sa launching ng kanyang debut album sa Star Music, naunang dumating sa Pilipinas ang tatay niya na isang Christian missionary at tinanong siya kung gusto niyang sumunod dito sa Pilipinas, para magkasama-sama na sila.

Sa La Salle Antipolo siya nag-aral at nalaman ng mga kaklase’t kaibigan niya na kumakanta siya nang mag-perform siya sa isang event kaya kinulit siyang mag-audition sa I Love OPM sa ABS-CBN. Siya ang nagwaging champion at pinalad na nagwagi ng P2M.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Magaganda ang OPM songs na kinanta ni Yohan habang nakikipagtunggali sa I Love OPM tulad ng Ako’y Sa ‘Yo, Ika’y Akin ng I/Axe band na audition song niya at pasok kaagad siya, sinundan ng hit song ni Daniel Padilla na Nasa ‘Yo Na Ang Lahat na gayang-gaya niya kaya aliw na aliw ang judges na sina Toni Gonzaga, Lani Misalucha at Martin Nievera. At take note, nakakuha noon ng 92.3% ang wannabe.

Ang ipinanalo niyang kanta ay ang theme song ng FPJ’s Ang Probinsyano na Huwag Ka Nang Umiyak na version ni Gary Valenciano. Nakapagtala ng 32.82% si Yohan, kaya siya ang tinanghal grand winner noong Abril 2016.

Sa launching ng self-titled first album niya, itinanong kaagad kung bakit natagalan ang launching, lampas isang taon, kumpara sa ibang baguhang singers na agad-agad nakabuo.

“Nu’ng nanalo po siya, nag-release kami ng digital single niya, ‘yung unang ni-release namin ‘yung Huwag Ka Nang Umiyak na may Korean version,” paliwanag ng album producer ni Yohan na si Rox Santos. “Eventually, ni-release namin sa Spotify, ni-release namin siya sa mga boss ng ABS (CBN), Tita Malou Santos and Sir Roxy (Liquigan) at nagustuhan nila ‘yung concept na tina-translate ‘yung OPM hits sa Korean kaya nag-decide sila na gawan ng full album si Yohan na OPM hits na ita-translate into Koreans. Medyo natagalan po kasi dahil na rin sa busy schedule ni Yohan and plans din kaya ngayon lang na-full blast na i-release.”

Tinanong din si Yohan kung ano ang ginawa niya sa napanalunang dalawang milyon sa I Love OPM?

“I shared it sa pamilya ko po,” sagot ng binata.

Dahil busy na, pansamantalang huminto sa pag-aaral ng kursong Education si Yohan. Ire-release rin sa South Korea ang album niya, kaya tinanong si Rox kung ano sa palagay niya ang magiging reaksiyon ng mga Koreano sa half-OPM, half-Korean songs.

“Magiging available pa lang po itong album sa Melon.com (Korean YouTube channel) sa first week of August at ‘yung full blast Korean po ang ire-relase, at feeling ko naman po magiging positive naman kasi sa tingin ko since mahilig ako sa Korean drama, na-observe ko na ‘yung mga Korean music o ballad songs na pinapatugtog nila at napansin na halos nagkakapareho ng melody, the lyrics and theme of the concept. Feeling ko po hindi naman tayo lumayo ro’n,” sagot ni Rox.

Hinangaan nang husto si Yohan nang malaman na siya ay ang mga kaibigan niya pala ang nag-translate sa Korean lyrics ang mga awiting nakapaloob sa album niya. Laman ng naturang album ang Kung Ako Na Lang Sana na Nayotdamyon naman ang titulo ng Korean version, Ikaw na ang titulo ay Noege, You Made Me Stronger na Annyeong, Mahal Ko o Mahal Ako na ang Korean title naman ay Du Sa Rang.

“Ang sumulat po ay si Yohan, collaboration with the Korean friends. Marami silang nagtulung-tulong,” pagtatapat ni Rox.

Dagdag ni Yohan, “Lahat ng Tagalog songs, then I translated sa English ‘tapos I got some help from professional Korean writers ‘tapos parang 50-50 percent with collaboration.”

May plano bang mag-guest si Yohan sa Korean TV show para sa promo ng album niya.

“Honestly po, I had an offer to guest sa Korean show pero it was last year, I was very busy that time, so I had to refuse, pero maybe someday,” pag-amin ni Yohan.

Hindi malayong mangyari ito, ayon kay Rox, dahil may mga plano nang nakahanda for Yohan para sa promo ng album niya sa Korea.

Samantala, natanong si Yohan kung plano ba niyang manatili na sa Pilipinas.

“As of now, my career sa showbiz talaga. ‘Yun lang, walang iba.”

Gusto ring umarte ni Yohan sa harap ng camera kung papalarin, kaya pinagbubuti niya ang pag-aaral ng Tagalog.

Nauna nang sumikat sa ating bansa sina Ryan Bang at Sandara Park kaya tinanong si Yohan kung ano ang pagkakaiba niya sa dalawa.

“Sa tingin ko, first Korean OPM singer (ako) sa Pilipinas. Sandara was an actress, Ryan is a comedian. Ako singer, so parang ibang-iba talaga,” mabilis na sagot ng binata.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa album ni Yohan, bisitahin lang ang Starmusic.ph o sundan ang official social media accounts ng Star Music sa Facebook.com/starmusicph, Twitter.com/starrecordsph at Instagram.com/Starmusicph.