Ni: Dave M. Veridiano, E.E.

DUMUGO ang tenga ko sa paulit-ulit at magkakasunod na pagsasahimpapawid sa mga istasyon ng radyo hinggil sa operasyon ng mga pulis, sa ilalim ng pamamahala ng National Capital Region Police Office (NCRPO), na binansagang “One Time, Big Time” o OTBT nitong mga nakaraang araw at nagresulta umano sa pagkakaaresto sa mga kriminal, pusher, adik, at mga taong may nakabimbing kaso sa korte.

Kasunod kasi ng ipinagmamalaking mga accomplishment ng bawat istasyon ng pulis sa buong Metro Manila, sa mga isinagawa nilang OTBT operation – isang malawakang operasyon na inilunsad ng NCRPO upang supilin umano ang kriminalidad, narinig ko ang usap-usapan tungkol sa umano’y pang-aabuso, pamimitsa at pangongotong ng ilang pulis na kasama sa mga operasyong ito.

Sa text message at e-mail na natanggap ng IMBESTIGADaVe mula sa mga kamag-anak na nadaanan ng OTBT operation ay halos wala umanong pinagkaiba ang nasabing operasyon sa “Oplan Tokhang”— sa paraan ng paghuli ng mga pulis sa mga pinaghihinalaang kriminal, adik, pusher, at mga taong matagal na umanong nagtatago sa batas.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Karamihan umano sa kanila ay napilitang magbigay ng pera o kaya naman ay maghanap ng kahit anong pangganting “utang na loob” sa mga pulis kapalit ng ‘di na pang-iistorbo at pagdala sa kanila sa presinto.

Matagal na raw kasi silang nananahimik at alam nilang wala na silang problema sa mga naging kaso, na kalimitan ay maliliit at away magkapitbahay lamang, ngunit biglang “kinatok” ng mga pulis upang busisiin ang mga dati nilang asunto…at kapalit ng pananahimik at ‘di na muling pang-iistorbo… eh ano pa nga ba? Eh, ‘di MAGLAGAY sila!

Pero teka muna – parang ‘di “ORIGINAL” na police operation ng NCRPO itong OTBT na ipini-press release ng mga hepe rito sa Metro Manila nitong mga nakaraang araw, dahil marami raw silang naarestong mga kriminal, mga taong wanted, may warrant of arrest at ilan ding tulak at adik sa droga.

Bigla kong naalala na noong Mayo 2015 ay nagsagawa ng malawakang police investigative operation ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa buong bansa, na tinawag nilang “ONE TIME, BIG TIME” na naging sanhi ng pagkakaaresto ng mga kriminal sa iba’t ibang lugar sa bansa, pagkabuwag ng malalaking syndicated crime group, at pagkakumpiska ng matataas na kalibre ng baril sa mga sinalakay na bahay na pinaniniwalaang pugad ng ilang wanted na kriminal.

Kumpara sa mga operasyon... noon na isinasagawa ng mga presinto sa kanilang nasasakupan, walang umaalingasaw na baho ng pangingikil ang OTBT ng CIDG – ‘di gaya ng nagaganap ngayon na maraming “umaray” sa sinasabing pangongotong ng mga kumakatok na pulis.

Ito talaga ang palaging problema sa hanay ng mga pulis – kapag binibigyan sila ng kapangyarihan (basbas sa itaas kung tawagin!) at pagkakataong mag-operate nang malawakan laban sa kriminalidad sa kanilang mga nasasakupan. May ilan na nakaiisip agad ng gimik para kumita at ang katulad nila ang nakasisira sa magagandang trabaho ng matitino nilang kabaro...lumalakas kasi ang loob nila lalo pa’t may nasisilip silang “magandang halimbawa” sa masasama nilang gawi, gaya ni Supt. Marvin Marcos at mga tauhan nito!

Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]