NI: Vanne Elaine P. Terrazola at Leonel M. Abasola

Sinabihan ang ride-sharing companies na Grab at Uber na i-deactivate ang mga driver at operator na nagparehistro simula noong Hunyo 30, 2017.

Nag-isyu ng order ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Miyerkules ng gabi bilang tugon sa motions for reconsideration (MRs) ng dalawang transport network companies (TNCs) nitong Hulyo 20, upang iapela ang July 11 order sa pagtanggal sa mga colorum na transport network vehicle services (TNVS) sa kanilang hanay at suspendihin ang ipinapalagay na crackdown sa mga bumibiyahe nang walang prangkisa.

Sinabi ng ahensiya na pinigil ng filing ng MRs ang implementasyon ng order nito para lamang sa mga driver at operator na pinahintulutan ng TNCs nitong Hunyo 30.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Inulit din ng LTFRB na “no further acceptance of additional accreditation of TNVS and/or activation of their accounts... into their systems shall be allowed.”

Sinabi ni LTFRB Spokesperson Atty. Aileen Lizada sa press briefing kahapon na ang magdedesisyon pa lang ang Board hinggil sa kahihinatnan ng mga nagkaroon ng accreditation simula Hunyo 30, pagkatapos ng kanilang cross-checking sa lahat ng nakalistang pangalan.

Bukod sa limitasyon ng bilang ng TNVS ng TNCs, sinabi ni Lizada na pinag-aaralan din nilang limitahan ang oras na dapat ibiyahe ng mga ito.

Sinabi ni Lizada na ang bagong order na ilalabas sa Agosto o sa Setyembre ay magkakaroon ng minimum na bilang ng oras ng pagbiyahe kada linggo ng awtorisadong TNVS.

Samantala, nais ni Senator Win Gatchalian na gawing legal ang TNVS upang matigil na ang sisihan ng mga ito at ng LTFRB.

Aniya, noong Agosto 2016 pa niya ikinasa ang Senate Bill No. 1001 (Transportation Network Services Act), na magbibigay ng mga alituntunin ng kanilang operasyon pero nananatili lamang ito sa committee level.