Ni NORA CALDERON
THANKFUL si Rob Moya nang igawa ng book two ang Alyas Robin Hood na pinagbibidahan ni Dingdong Dantes pagkatapos nilang mamahinga ng ilang buwan. Tuloy ang role na ginampanan niya.
“Ako pa rin si PO4 Alex Cruz,” kuwento ni Rob. “Boss ko si Kuya Paolo Contis. Masaya po ako nang malaman kong may book two kami dahil maliban kay Megan Young, lahat po ng cast dati ay nandoon pa rin, Kuya Dong, Andrea Torres, Gary Estrada, Lindsay de Vera, Dave Bornea at si Tita Jaclyn (Jose). Promise ko po na lalo kong pagbubutihin ang pagganap sa role ko, I want to work to succeed.
“Gusto kong ituloy ang studies ko sa Enderun, second year na ako sa Culinary Arts. Isinasabay ko na rin ang pagwu-work out ko para mapaganda ang katawan ko para na rin sa role ko bilang isang pulis. Focus po muna ako sa career ko.”
Hindi siya nag-i-expect ng tulong mula sa kanyang ama, ang dating actor-singer at naging pulis din na si Jovit Moya. Pero masaya siya na nagkita sila muli ng ama, after ten years dahil matagal nanirahan sa US habang siya naman ay nasa Japan kasama ang kanyang ina.
Dumaan ng Pilipinas last month ang ama nang pumunta ito sa New Zealand para sa business nito. Hindi raw niya alam kung kasama ng ama ang family nito.
Ang isa pang ipinagpapasalamat ni Rob sa Alyas Robin Hood 2, muli niyang makakasama ang super crush niyang si Andrea Torres na gumaganap pa rin bilang ang palaban na si Venus at katulong ni Alyas Robin Hood sa pagsugpo ng mga krimen.
Biniro tuloy si Rob kung kaya ba niyang ipagtanggol si Andrea na parang mas mahusay pang makipaglaban kaysa sa kanya.
At ano ang nagustuhan niya kay Andrea?
“Dream girl ko po si Andrea, I find her very beautiful in and out. Kaya ko siyang ipagtanggol kahit kanino. Siya ang nag-inspire sa akin para pagandahin ko ang katawan ko. Wish ko lang po ay magkaroon kami ng eksenang magkasama ni Andrea.”
Bahala na sa kanilang dalawa kung ganoon si Direk Dominic Zapata.
May teaser na ang Alyas Robin Hood 2 pero wala pang announcement ang GMA-7 kung kailan ang airing nito. v