Nina BEN ROSARIO at BETH CAMIA
Nakaiwas sa pag-aresto si Ilocos Sur Gov. Imee Marcos at pinalaya na ang tinaguriang ‘Ilocos Six’ makaraan ang 57 araw na pagkakakulong sa Batasan Complex, sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Kamara sa umano’y maanomalyang paggastos sa P65-milyon tobacco excise tax na sinisisi sa pamahalaang panglalawigan.
Sa pagdinig kahapon, na sinipot na sa wakas ng gobernadora, nakatanggap ang House Committee on Good Government, na pinamumunuan ni Surigao del Sur Rep. Johnny Ty-Pimentel, ng marami at kapaki-pakinabang na impormasyon at ebidensiya na sinasabing susuporta sa report ng Commission on Audit (CoA) tungkol sa mga anomalyang natuklasan nito kaugnay ng pagbili ng mga sasakyan gamit ang bahagi ng Ilocos Norte sa excise tax.
Nilinaw din ni Pimentel na ang pagpapalaya sa anim na empleyado ng Ilocos Norte—na nakulong sa Kamara simula noong Mayo 29 dahil sa contempt—ay hindi nangangahulugang tapos na ang imbestigasyon ng Kamara sa nasabing maanomalyang transaksiyon.
MUNTIK MAARESTO
Si dating Senate President Juan Ponce Enrile ang tumayong abogado ni Marcos, na tumugon sa subpoena ng Kamara na nagbantang aarestuhin siya kapag hindi pa rin sumipot sa pagdinig kahapon.
Gayunman, muntik pa ring maaresto ang gobernadora sa kalagitnaan ng pagdinig nang mag-move si Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas upang i-cite siya in contempt sa pagtangging pangalanan ang pinagmulan ng impormasyong ibinunyag niya sa media tungkol sa umano’y P100-milyon suhol sa mga mambabatas upang imbestigahan ang usapin.
Iniulat ng isang pahayagan (hindi Balita) na ang nasabing imbestigasyon ng Kamara ay pakana ng mga sektor na kaalyado ng LP kapalit ng P100 milyon.
Kalaunan, sinabi ng gobernadora na ang sinabi niyang iyon sa media ay “mere suspicion” lamang, at binawi ang nabanggit na akusasyon.
LAYA NA!
Nagpasya rin ang komite na palayain na ang anim na kawani ng pamahalaang panglalawigan na sina Josephine Calajate, provincial treasurer; Encarnacion Gaor at Genedine Jambaro, ng Office of the Provincial Treasurer; Evangeline Tabulog, budget officer; Bids and Awards Committee (BAC) chairman at Provincial Planning and Development Office head Engr. Pedro Agcaoili; at Eden Batulayan, OIC ng Provincial Accounting Office.
Sinabi ni Fariñas na nagbigay na ng testimonya ang anim tungkol sa usapin kaya pinalaya na ang mga ito.
PINAGKOKOMENTO NG SC
Samantala, pinagkokomento naman ng Supreme Court (SC) sina Fariñas, Pimentel, at retired Lt. General Roland Detabili, sergeant-at-arms ng Kamara, sa petisyong inihain ni Marcos at ng Ilocos Six.
Binigyan ng Korte Suprema ng 10 araw ang kampo ng tatlong respondent para magsumite ng komento.
Sa petisyon, hinihiling na magpalabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order na pipigil sa House probe, at iutos ang pagpapalaya sa Ilocos Six sa bisa ng writ of amparo.