PARA SA BATA! Walang bakas ng karasahan – maging pansamantala man lamang – bagkus pawang kasiyahan at katiwasayan ang namalas sa batang bakwit mula sa nagulong Marawi City nang sumailalim sila sa ibang ibang programa sa sports sa Children’s Game ng Philippine Sports Commission (PSC) sa Iligan City. Ang Children’s Game ay konsepto ni PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez.

Ni Edwin Rollon

KARAPATAN ng bata ang mag-aral, mamuhay ng matiwasay at makapaglaro.

Malayo man sa bayang sinilangan – kasalukuyan iginupo ng kaguluhan – napanatili ng mga batang bakwit mula sa Marawi City ang kanilang mga karapatan, higit ang mapayapang kaisipan sa pamamagitan ng paglalaro.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Sa pangangasiwa ng Philippine Sports Commission (PSC) sa pangunguna ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez, ipinagmamalaking anak ng Mindanao (Davao City), isinagawa ang Children's Games nitong weekend sa Iligan City – ang pansamantalang tahanan sa kasalukuyan ng mga bata mula sa Marawi City.

“Ang tunay na gintong medalya sa kasalukuyan ay hindi yung napagwagihan natin sa international tournament. Libo-libong kabataan sa lalawigan, partikular sa mga nagulong lugar tulad ng Marawi City ang naghihintay at nangangailangan ng ating pagkalinga,” pahayag ni Ramirez.

“Sa sports, makakaligtaan nila ang mga naranasang kaguluhan at sa huli mapapalakas natin ang tunay na grassroots sports programa na siyang atensyon ng administrasyon ng Pangulong Duterte,” aniya.

Nagsimula ang Children’ Games sa Davao City isang araw matapos sumiklab ang kaguluhan sa Marawi City kasabay ang pagdeklara ng Martial Law sa buong rehiyon ng Mindanao.

“Sa Davao, may ilang bakwit na rin ang nakasama sa ating Children’s Games at nakita namin ang tunay na kahalagahan ng programa sa sports sa mga batang pursigidong matuto at makapaglaro,” pahayag ni Ramirez.

Sa iligan City, mahigit 200 batang bakwit – may edad 12 pababa -- na pansamantalang nanunuluyan sa Buru-un School of Fisheries ang nakibahagi sa dalawang araw na palaro kung saan tinuruan sila sa basic sa volleyball at football.

Pinangasiwaan ng PSC, sa pangunguna ni Commissioner Charles Maxey na isa ring taga-Davao City, ang pagsasagawa ng Children’s Games sa tulong ng mga coordinator, local coach at volunteers mula sa Mindanao State University sa Marawi City.

Sumabak din ang mga batang kalahok sa iba’t ibang palaro at traditional games na tunay na nagbigay kasiyahan sa lahat, maging sa mga magulang ng mga bata.

"We coordinated with the DSWD. Aside from their counselling, kailangan din namin tumulong just to give them fun and enjoyment through sports kasi dumaan sila sa gulo,” pahayag ni Maxey.

Ayon kay Maxey, ibinigay ng PSC ang lahat ng mga kagamitan sa dalawang araw na palaro upang magamit ng mga kabataan sa kanilang patuloy na paglaban sa araw-araw na dagok na nararanasan sa loob ng evacuation center.

“While the government is now focusing on the rehabilitation of Marawi City, kami sa sports agency ay patuloy na gagabay sa mga bata para manatili ang normal nilang pamumuhay hanggang sa pagbabhalik nila sa kanilang mga tahanan sa Marawi,” sambit ni Ramirez.