Nina ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS at LEONEL M. ABASOLA
Malugod na tinanggap ng Malacañang kahapon ang paborableng resulta ng special session ng Kongreso na nagpalawig pa nang limang buwan sa Proclamation No. 216 ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagdedeklara ng batas militar sa buong Mindanao—paiiralin ito sa rehiyon hanggang sa Disyembre 31, 2017.
Sa botohan pumabor ang 261 mambabatas habang tutol naman ang 18 na palawigin pa ang martial law, pinagbigyan ng Kongreso ang hiling ng Pangulo na i-extend pa ang batas militar sa Mindanao upang ganap na matuldukan ang banta ng terorismo sa rehiyon, partikular na ang kaalyado ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) na Maute Group, bukod pa sa ikakasang malawakang rehabilitasyon sa kinubkob nitong lungsod, ang Marawi.
Sa isang pahayag, sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na natutuwa ang Palasyo na naunawaan ng mga kasapi ng Kongreso — 245 kongresista at 16 na senador — kung gaano kaseryoso ang banta ng terorismo sa Mindanao.
‘STAND UNITED’
“The nation has chosen to stand united in defending the Republic. We thank Congress for approving the extension of martial law until December 31, 2017,” sinabi ni Abella kahapon.
“We want to stop the spread of the evil ideology of terrorism and free the people of Mindanao from the tyranny of lawlessness and violent extremism,” katwiran ni Abella. “There is much work to be done to bring back public safety and law and order in the whole island of Mindanao. There is much work to be done in the recovery, reconstruction and rehabilitation of Marawi. Together, let us transform Mindanao into a land of fulfilment.”
Matatandaang mula sa Moscow, Russia ay nagdeklara ng 60-araw na martial law si Duterte ilang oras makaraang kubkubin ng Maute ang Marawi noong Mayo 23. Opisyal na nagtapos ang nasabing deklarasyon kahapon, Hulyo 22.
Sa isang ambush interview sa Davao City nitong Biyernes ng gabi, sinabi ng Pangulo na hindi niya ideya ang igiit ang limang-buwang extension ng martial law, kundi rekomendasyon ito ng Department of National Defense (DND), Armed Forces of the Philippines (AFP), at Philippine National Police (PNP).
ML SA LUZON, VISAYAS MALABO
Sa maghapong special session sa Batasan kahapon, tiniyak ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na malabong isailalim sa batas militar ang Luzon at Visayas, kahit pa magsagawa ng pag-atake sa dalawang rehiyon ang mga terorista at ang New People’s Army (NPA).
“Given the Abu Sayyaf attack in Bohol, will martial law be also declared in the Visayas? And given that the New People’s Army also operates in Luzon, will the island be part of the martial law coverage?” tanong ni Senator Francis Pangilinan sa kalihim.
“Hindi mangyayari ‘yan,” ani Lorenzana.
“Martial law (in Mindanao) is needed to fight Abu Sayyaf in Basilan and Jolo, BIFF in Central Mindanao,” paliwanag pa ni Lorenzana. “Kaya naman buong Mindanao para we will not be hindered, para puwede kaming humabol sa kanila kahit saan sila pumunta.”