Ni FRANCIS T. WAKEFIELD

Patay ang anim na pulis, kabilang ang isang hepe, habang dalawang iba pa ang nasugatan matapos silang tambangan ng mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Negros Oriental, kahapon ng umaga.

Sa mga report na isinumite sa Philippine National Police-National Operations Center (PNP-NOC) sa Camp Crame, Quezon City, kinilala ang napatay na opisyal na si Supt. Ariel Arpon, hepe ng Guihulngan City Police.

Ang limang tauhan ni Arpon na napatay din ay sina SPO2 Necasio Tabilon, PO3 Jordan Balderas, PO2 Alvin Paul Bulandres, PO2 Alfred Dunque, at PO1 Abines Silvano.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Sugatan naman sina SPO4 Jerome Delara at PO2 Jorie Maribao.

Nabatid na nangyari ang ambush bandang 9:50 ng umaga kahapon sa Barangay Magsaysay, Guihulngan City, Negros Oriental, na ikinasugat ng tatlo pang pulis.

Nasa 15 pulis-Guihulngan, sa pangunguna ni Arpon, ang rumesponde sa umano’y pananambang ng mga rebelde sa isang barangay kagawad sa lugar.

Napag-alaman na ini-report sa Guihulngan City Police ng lokal na opisyal na si Edward Jimenez ang pananambang sa kagawad na si Edison Dela Rita sa Bgy. Magsaysay. Nasugatan si Dela Rita sa insidente.

Una nang inatasan ng Communist Party of the Philippines-National Democratic Front (CPP-NDF) ang NPA na paigtingin ang mga pag-atake nito sa iba’t ibang panig ng bansa matapos magdeklara si Pangulong Rodrigo Duterte ng martial law sa Mindanao.