Ni: Johnny Dayang
SALUNGAT sa mga maling pang-unawa ng ilang sektor, tinitiyak ng mga nagsusulong ng komprehensibong Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) bill “na sadyang maka-maralita ang naturang panukalang batas na gagawing patas ang sistema ng buwis ng bansa at lilikom ng sapat na pondo para sa mahahalagang imprastruktura at kapakanan ng sambayanan.”
Pinagsanib sa TRAIN, na inaprubahan ng Kamara, ang House Bill 4688 ni Albay Rep. Joey Salceda, HB 4774 ni Quirino Rep. Dakila Carlo Cua at ilang iba pa. Ginamit dito ang pamagat at karamihan ng mga probisyon ng panukala ni Salceda at mga panukala ng Department of Finance (DoF).
Si Cua ang chairman at si Salceda ang vice-chairman ng House Ways and Means committee. Tiwala silang aaprubahan ng Senado ang TRAIN version nito gaya ng Kamara na pinagtibay sa botong 258-9. May isang hindi bumoto. Inaasahan nilang pagtitibayin ito ng Bicameral committee bandang Setyembre.
Ayon kay Salceda, magkakaroon ng mahigit P354 bilyong taunang monetary impact ang TRAIN na ang P170 bilyon ay diretsong malilipat sa mga karaniwan at maralitang pamilya mula sa mayayaman. Reresolbahin nito ang malayong agwat ng mahihirap at mayayaman, babawasan ang pagdarahop, pauunlarin ang ekonomiya at lalong itataas ang “credit rating” at “global competitiveness” ng bansa.
Babaguhin ng TRAIN ang personal income tax (PIT) system ng Pilipinas. Mula 2018 hanggang 2020, hindi na libre sa income tax ang mga taunang kumikita ng hanggang P250,000. Ang mga kumikita ng higit sa naturang halaga ay magbabayad ng basic tax at karagdagang porsiyento ng halagang lampas sa kanilang income bracket. Halimbawa, ang mga kumikita ng mahigit sa P5 milyon ay magbubuwis ng P1.5 milyon at karagdagang 35% ng halagang lalampas sa P5 milyon. Magkakaroon ng kaunting adjustments sa sistema mula 2021.
Palalakihin din ng TRAIN ang excise tax sa langis at mga sasakyan, ... palalawakin ang value-added tax (VAT) base, at bubuwisan ang matatamis na inumin at pinanalunan sa lotto, ngunit pananatilihin ang VAT exemptions ng mga senior citizen, may kapansanan at mga kooperatiba. Palalakihin nito ang kitang buwis ng bansa upang suportahan ang malawakang programa nito tungo sa lalong pag-unlad ng bansa.
“Tanging TRAIN lang ang paraan para gawing patas, mabisa at tunay na maka-mahirap ang ating tax system. Hindi naman maaaring pagbuwisin ang mayayaman lamang dahil ‘class legislation’ yun,” paliwanag ni Salceda.
May malawakang information drive ngayon ang DoF para maunawaan ang TRAIN. Nagkaroon na ito ng mahigit 107 presentasyon sa iba’t ibang grupo at LGU sa buong bansa.