Ni: Francis T. Wakefield, Aaron Recuenco, at Anna Liza Villas

Plano ng New People’s Army (NPA) na pahiyain si Pangulong Duterte sa ikalawa nitong State of the Nation Address (SONA) sa susunod na linggo sa serye ng pag-atake sa Davao region.

Ayon kay Director General Ronald dela Rosa, hepe ng Philippine National Police (PNP), ito ang intelligence information na kanilang natanggap mula sa mga mapagkakatiwalaan nilang source.

“We have monitored something from the Left. They will make some pre-SONA attacks, harassments. Their plan is to conduct attacks in Davao before SONA,” ani Dela Rosa.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“But we are preparing for that,” paniniguro niya.

Sinabi ng opisyal na hindi nila binabalewala ang posibilidad na manggulo ang mga rebelde sa pagdarausan ng SONA.

Samantala, ipinahayag kahapon ng hepe ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Joint Task Force National Capital Region (NCR) na wala silang natatanggap na kahit anong intelligence report na aatake ang Isis-inspired Maute Group at iba pang grupo ng mga terorista sa SONA sa susunod na linggo.

“So far wala,” ayon kay Colonel Vic Tomas sa isang panayam.

Sinabi rin niya na ang lahat ng mga miyembro ng Civil Disturbance Ordnance (CDM), Explosives Ordnance Disposal (EOD), at K9 ay ipakakalat sa araw ng SONA upang tulungan ang mga pulis upang masiguro ang seguridad.

Kaugnay nito, sinimulan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang paghahanda para sa SONA.

Ayon kay MMDA chairman Danilo Lim, aabot sa 2,000 traffic enforcer ang ipakakalat upang manduhan ang mga tao at ang mga sasakyan sa paligid ng Batasang Pambansa Complex sa Quezon City.