SINGAPORE – Humirit ang Pinoy swimmers sa sports na inaaahang madodomina ng host country sa nasikwat na dalawang ginto, isang silver at isang bronze sa ikalawang araw ng kompetisyon nitong Linggo sa 9th ASEAN Schools Games sa Singapore School Sports dito.

Ratsada si Maurice Sacho Ilustre, 2017 Palarong Pambansa record holder, sa boys 100-meter freestyle sa tyempong 52.23 segundo. Ginapi niya ang dalawang pambato ng Singapore na sina Mikkel Jun Jie Lee (52.44) at Samuel Shaojun (53.07).

Maurice Sacho Ilustre | PSC photo
Maurice Sacho Ilustre | PSC photo
Nauna rito, kumikig ang Pinoy sa athletics nang magwagi si long jumper Karl Arvyn Aquino sa Bishan Stadium.

Nasungkit din ni Ilustre, pambato ng De La Salle Zobel at umukit ng kasaysayan nang walisin ang pitong events sa 60th edition ng Palarong Pambansa sa San Jose de Buenavista sa Antique, ang silver medal sa boys 400 meters freestyle.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Sinundan ni Filipino-British swimmer Bhay Maitland Newberry ang mainit na kampanya ni Ilustre sa pagwawagi sa girls 200m breaststroke.

Nauna si Newberry sa tyempong 2:20.88 kontra kina Permatahani Azzahra ng Indonesia (2:23.31) at sa Pinay bet na si Raven Faith Alcoseba (2:26.41).

Kaagad na nagpahayag ng kasiyahan si Newberry sa kanyang Facebook post kung saan itinuturin niyang malaking karangalan ang maging kinatawan ng bansa sa international competition.

“No words can describe how thankful I am right now, it’s an honor carrying the name of the Philippines. #ASEANSchoolGames,” pahayag ni Newberry.

Nagbigay naman ng pampataas morale na pahayag si Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Charles Raymond A. Maxey sa iba pang atleta na nakatakdang sumagupa sa kani-kanilang event.

Tangan ng Pinoy, nagtatangkang lagpasan ang ikaapat na puwesto sa overall standings sa nakalipas na taon, ang kabuuang tatlong ginto, isang silver at dalawang bronze sa kaagahan ng kompetisyon.

“We are happy with the good start. We hope to sustain this fine showing. Credit goes to the athletes for giving it their best,” pahayag ni Maxey.

Ipinahayg naman ni Department of Education (DepEd) Assistant Secretary Tonisito Umali na malaking karangalan sa bansa ang ipinakikitang laban ng Team Philippines.

Aniya, naghihintay ang cash incentives sa lahat ng gold medalists sa biennial meet.