Ni AARON B. RECUENCO

Itinalaga ang kontrobersiyal na si Supt. Marvin Marcos at ilan sa kanyang mga tauhan para tugisin ang mga lokal na kaalyado ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) sa Central Mindanao, kung saan siya ngayon nakadestino.

Ayon kay Chief Supt. Dionardo Carlos, tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP), ang pagtugis sa mga lokal na terorista ay bahagi ng mandato ni Marcos bilang bagong regional director ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Region 12.

“Director (Roel) Obusan specifically said that their function is on BIFF-ISIS areas. It is where their work would focus,” sabi ni Carlos.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Si Obusan ang director ng CIDG. Ang BIFF, o Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, ay paksiyong tumiwalag sa Moro Islamic Liberation Front (MILF), at napaulat na may alyansa sa Maute Group, na kaalyado rin ng ISIS.

Inuulan ngayon ng batikos si Marcos matapos siyang maibalik sa tungkulin kasunod ng suspensiyon niya sa pagkakapaslang kay dating Albuera, Leyte Mayor Roland Espinosa sa loob ng selda nito sa Baybay City noong Nobyembre 2016.

Si Marcos noon ang director ng CIDG-Region 8, na nagsilbi ng search warrant at nakapatay sa alkalde at sa isa pang bilanggong si Raul Yap.

Idinepensa naman ni PNP chief Director Gen. Ronald dela Rosa ang pagbabalik sa tungkulin ng grupo ni Marcos, sinabing sumailalim ang mga ito sa due process.

Kasabay nito, nilinaw naman ni Carlos na lilitisin pa rin si Marcos, at 18 tauhan nito, sa kinahaharap na homicide.

Ibinaba ng Department of Justice sa homicide ang murder na unang isinampa laban sa 19 na pulis.

Samantala, naibasura naman ang mga kasong administratibo na isinampa laban sa ilang operatiba ng PNP Maritime Group na kasama sa sumalakay sa Baybay City Jail, makaraang mapatunayan ng mga ito na nagsilbi lamang silang back-up ng CIDG sa nasabing operasyon.