Ni: Czarina Nicole O. Ong

Ipinag-utos kahapon ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na sampahan ng mga kasong graft at usurpation of authority si dating Pangulong Benigno S. Aquino III, gayundin sina dating Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Alan Purisima, at dating Special Action Force (SAF) Director Getulio Napeñas, sa pagkakasangkot sa pumalpak na operasyon sa Mamasapano, Maguindanao, na ikinamatay ng 44 na tauhan ng SAF.

Sa isang resolusyon, pinakakasuhan ni Morales ng paglabag sa Article 177 ng Revised Penal Code (usurpation) at sa Section 3(a) ng R.A. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) ang tatlo sa Sandiganbayan sa pagpaplano umano sa Oplan Exodus, na isinagawa noong Enero 25, 2015.

Sa utos umano ng dating Pangulo, kahit na suspendido noon ay nakipagtulungan si Purisima kay Napeñas at pinangunahan ang 400 sa SAF sa pagdakip sa wanted na teroristang si Zulkifli Bin Hir, alyas “Marwan”, at kay Ahmad Akmad Uson sa Mamasapano.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Bagamat napatay si Marwan sa operasyon, may mahigit 60 iba pa ang nasawi, kabilang ang 44 sa SAF.

Ayon kay Morales, ang kasong usurpation laban kay Aquino ay batay sa naging papel nito sa pagpaplano ng Oplan Exodus, na ginawa nang may “gross and inexcusable negligence”. Binigyan din umano ng dating Pangulo ng “pseudo-legal” powers si Purisima kahit suspendido ito.