Ni: Argyll Cyrus B. Geducos
Dismayado si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbalik ng illegal drug trade sa New Bilibid Prison (NBP) na nagresulta sa pagbibitiw ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Benjamin de los Santos.
Ayon kay Presidential Communication Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar, dismayado ang Pangulo dahil aminado itong mahirap talagang mabura ang problema ng droga sa national penitentiary sino man ang mamuno sa BuCor.
Sinabi naman ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella, sa Mindanao Hour press briefing kahapon ng umaga, na ilang hakbang na ang isinagawa upang matugunan ang sitwasyon sa NBP, na isang malaking hamon para sa Pangulo.
“If you’re asking if the President is dismayed, definitely this presents quite a challenge. However, we’re up to it and we will make sure, we’ll make sure that is properly addressed,” ani Abella.
Inirekomenda ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II sa Pangulo na italaga si Dangerous Drugs Board (DDB) chairman Dionisio Santiago bilang susunod na pinuno ng BuCor.
Si Santiago ay nagsilbi ring pinuno ng BuCor mula 2003 hanggang 2004.