Ni: Mary Ann Santiago

Hinamon ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang Department of Health (DOH) na suriin muli ang kanilang panuntunan para masupil ang mga nakakahawa at nakakamatay na sakit, tulad ng human immunodeficiency virus (HIV) na patuloy ang pagtaas ng kaso sa bansa.

Sinabi ni Father Dan Cansino, executive secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Health Care, na malaking pondo na ang nagamit ng pamahalaan sa pagpapatupad ng Reproductive Health Law, kabilang na ang pamamahagi ng mga condom, subalit patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng HIV.

“Sana mapatupad yung behavior change, sa totoong pagpapahalaga ng values natin. Hangga’t hindi natin yun binibigyan ng pansin, pinapalamanan natin ang lahat ng ating mga strategies, values mula sa kabataan, young adults, out-of-school youths and even yung mga nasa eskwelahan mawawala ang halaga ng ating strategy. Tataas at tataas talaga pa rin ang ating kaso,” pahayag ni Cansino, sa panayam ng Radio Veritas.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Sa ulat ng DOH nitong Abril, umabot na sa 629 katao ang nahawaan ng HIV – 80 porsiyento o 513 kaso ay nasa edad 15 hanggang 34 o tinatawag na millennials.

Naglaan ang DOH ng P1-bilyong pondo para sa HIV-AIDS awareness campaign kabilang ang pamamahagi ng libreng condom sa mga paaralan.

Tutol dito ang CBCP at iginiit na sa halip ay dapat ikintal sa isipan ng kabataan ang pagpapahalaga sa katawan ng isang tao at ang panganib na dulot ng maagang pakikipagtalik.