Ni: Celo Lagmay
TOTOO na ang industriya ng bawang ay sisinghap-singhap, wika nga, at hindi nakatutugon sa pangangailangan ng ating bansa. Subalit hindi ito dahilan upang ipagwalang-bahala ang pagpapaunlad ng naturang produkto; upang ito ay lalo pang kawawain sa pamamagitan ng sinasabing kaliwa’t kanang garlic smuggling na kagagawan ng ilang gahamang negosyante.
Nakapanggagalaiting mabatid na pati ang industriya ng bawang ay nilulumpo ng garlic cartel sa pagpapababa at pagpapataas ng presyo ng nasabing produkto. Ang naturang masakim na sistema ng pagnenegosyo ay pilit namang pinabubulaanan ng Bureau of Plant Industry (BPI), isang ahensiya sa ilalim ng Department of Agriculture (DA). Ngunit ang gayong pagsasamantala ay ipinipilit naman ng isang komite sa Senado.
Matagal nang pinababaha ng bawang ng mga smuggler ang ating mga pamilihan; napipilitan naman ang ating mga kababayan na ito ay tangkilikin dahil sa mababang presyo bagamat masyadong matabang ang lasa nito kung ihahambing sa malasang bawang na inaani sa ating bansa. Siyempre, ang mga ito ay higit na malalaki, lalo na ang mga ipinupuslit mula sa China, kaysa ating katutubong produkto.
Bakit talamak hanggang ngayon ang garlic smuggling? Ang ganitong alingasngas ng nakaraang pangasiwaan ay ipinagpapatuloy kaya ng kasalukuyang administrasyon? Patuloy pa kaya ang pagsasabwatan ng gobyerno, sa pamamagitan ng Bureau of Customs (BoC), at ng mga smuggler na kaalyado ng mga makapangyarihang lingkod ng bayan?
Anuman ang mga argumento hinggil sa masalimuot na industriya ng bawang, panahon na upang lalong paunlarin ng gobyerno ang produksiyon ng naturang produkto. Dapat agapayanan ang mga local government units (LGUs), lalo na sa Ilocos region, sa pagpapalawak ng garlic plantation. Natitiyak ko na marami pang lugar sa bansa ang angkop na pagtaniman ng bawang, at iba pang katutubong produkto upang madagdagan ang maliit na kantidad ng garlic industry.... Tulad ng mga rice farmer, ang mga nagtatanim ng bawang ay nangangailangan din ng puhunan at iba pang agricultural implements, abono at maiinam na binhi. Kailangang-kailangan nila ang mga subsidiya na tulad ng crop insurance at imbakan ng kanilang mga ani; kailangang matiyak ang malusog na produksiyon para naman sa mabuti-buting presyo.
Hindi imposible kung gugustuhin ng administrasyon na tugisin at papanagutin ang mga garlic smuggler na kumakawawa sa ating garlic farmers. Walang dahilan upang hindi pagyamanin ang naturang industriya.