Ni: Marivic Awitan
Mga Laro Ngayon
(Ynares Sports Arena, Pasig)
3 n.h. -- Batangas vs Tanduay
5 n.h. -- Marinerong Pilipino vs Racal MotorsU
MAKASIGURO ng playoff berth ang puntirya ng Batangas at Tanduay sa kanilang pagtutuos ngayon sa pagpapatuloy ng 2017 PBA D-League Foundation Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Kasalukuyang magkasalo sa ikatlong puwesto taglay ang barahang 4-2, magdidikdikan tiyak ang dalawang koponan para makamit ang ikalimang panalo na magpapalakas ng tsansa nila na umusad ng quarterfinals.
Ayon kay Rhum Masters coach Lawrence Chongson, ito talaga ang kanilang misyon at kung kakayanin ay target nilang pumasok sa top 2 spot.
“Yung game talaga against Batangas ang iniisip namin kasi gusto namin mamatili sa taas. Parang laglagan ang mangyayari dahil tied kami at three and four sa standings,”sambit ni Chongson.
Gagamiting buwelo ng Tanduay ang naitalang 141-65 panalo kontra Zark’s Burgers nitong Lunes kung saan sila nagtala ng dalawang bagong league record sa pamumuno nina Jerwin Gaco, Lester Alvarez, at James Martinez.
Ngunit, para kay Chongson, walang mahalaga sa kanya kundi ang panalo. “Hindi ko pinapansin yung mga ganoon,” anito na tinutukoy ang record para s most points scored at biggest winning margin. “Ang tanging record na iniisip ko ay yung mag-champion kami.”
Para naman kay Batangas coach Eric Gonzales , itinuturing nyang underdogs ang kanyang koponan kontra sa Rhum Masters.
“Honestly, we still lack experience compared with the Tanduay players,” ani Gonzalez na sasandigan sina Joseph Sedurifa, Jessie Saitanan, at Cedrick Ablaza para pangunahan ang mga Batangueños .
Target ng Batangas na pumasok sa top 6 kahit pa natalo sa nakaraan nilang laro kontra Cignal HD noong nakaraang linggo.
“As team, we will try our best to stay as close as possible so we have a chance of winning,” pahayag ni Gonzales.