Ni: Clemen Bautista
BUKOD sa education program para sa mga Dumagat ng DepEd-Rizal, may inilunsad ding health program ang lokal na pamahalaan sa Barangay Sta. Ines sa bundok ng Tanay. Ito ay tungkol sa Health Education on Lactation Management o wastong pagpapasuso ng mga sanggol na Dumagat, pagpapalakas ng kanilang gatas at wastong pag-aalaga ng sanggol.
Layunin nito na maibsan ang pagpapadede sa bote na lubhang magastos dahil sa mahal ng formula milk.
Sa Lungsod ng Antipolo naman, sa layuning matulungan at maiangat ang buhay ng mga katutubo sa bundok ng Antipolo, sinimulan na ang pagsugpo sa kahirapan at pagpapaganda sa pamumuhay ng mga katutubo sa malalayong lugar sa Antipolo City. Inumpisahan ang programa, sa pangunguna ni Antipolo Mayor Jun Ynares, sa isang seminar tungkol sa “Convergence Building Zero Extreme Poverty PH 2030.” Ang programa ay nakasentro sa mga komunidad o pamayanan ng mga Dumagat at Remontado na nasa Sitio Canumay, Libis at Tayabasan.
Ayon kay Antipolo Mayor Jun Ynares, dapat sama-sama ang lahat sa pag-unlad ng pamayanan at siyudad. Ang pantay-pantay na paglago ng mga pook ay magpapakita ng pagkakaisa at pagbibigay ng importansiya sa bawat isa. Ipinahihiwatig din ng programa na malaki man o maliit ang isang bagay ay may maibibigay na kabuhayan sa lungsod. Dahil dito, sisiguruhin ng lokal na pamahalaan na ang bawat lugar sa lungsod ay masagana at maayos na pamayanan habang pinapanatili pa rin ang kultura at tradisyon ng mga katutubo.
Kaagapay ang Smart Telecommunications, Center for Conservation Innovations (CCI), DPWH, Philippine Tropical Forest Conservation Foundations, Inc. Peace and Equity Fondation, City Planning and Development Office, City Welfare and Development Office at City Tourism Office.
Tinalakay sa nasabing progrma ang mga ilalatag na plano para mapaunlad ang malalayong lugar at pook na nasasakupan ng mga katutubong Dumagat at iba pa sa Antipolo na nangangailangan ng serbisyong medikal, edukasyon, pangkabuhayan at iba pa upang masugpo ang kahirapan.
Sa ngayon, sinimulan na ang paglikha at pagsusulong ng mga programa katulad ng supplemental feeding, livelihood, at Alternative Learning System (ALS) na makatutulong sa mga nasabing pamayanan alinsunod sa Action Plan na sinimulan pa noong Mayo 2017.
Ang pagtulong sa mga... katutubong Dumagat at Remontado ay napakagandang programa na makatutulong sa ikabubuti ng buhay ng mga katutubo. Maging ang inilunsad na programa ng pamahalaang lungsod ng Antipolo ay malaki rin ang maitutulong sa mga katutubo na nasa bundok ng Antipolo. Maraming taga-Rizal ang nagdarasal na magtagumpay ang programa ng pagtulong sa mga katutubo sa Rizal.
Isang katotohanang panlahat na sa ibang lalawigan, ang mga katutubo na maayos at tahimik na namumuhay ay binubulabog ng mga sakim at tusong land grabber at negosyante. Inaagawan ng lupa ang ating mga katutubo. Itinataboy sa pamamagitan ng pananakot at putok ng baril. May pagkakataon pa kung minsan na ang nagpapalayas sa ating mga kaawa-awa at walang laban na mga katutubo ay ang ilang tarantadong pulis at mga kawal.