Ni Marivic Awitan
Mga Laro Ngayon
(Filoil Arena)
8 n.u. -- Perpetual Help vs CSB (jrs)
10 n.u. -- JRU vs LPU (jrs)
12 n.t. -- Perpetual Help vs CSB (srs)
2 n.h. -- JRU vs LPU (srs)
4 n.h. -- Letran vs Mapua (srs)
6 n.g. -- Letran vs Mapua (jrs)
Kinang ng Perpetual at Lyceum, makikilatis ngayon sa NCAA.
HINDI na nagulat ang basketball fans nang makarating ang Perpetual Help sa Final Four sa nakalipas na season.
Nabigo man sa kampanyang makausad sa Finals, malaking karangalan ang naibigay ng Altas sa eskwelahan.
Sa pangunguna nang isa pang Nigerian na si Prince Eze, sisimulan ng Perpetual ang kampanyang makabalik sa pedestal sa pakikipagtuos sa St. Benilde, habang magkakasubukan ang Lyceum of the Philippine University at Jose Rizal University sa tampok na laro ngayon sa 93rd NCAA basketball tournament sa Filoil Arena sa San Juan City.
Nawala man ang dating pambato na si Nigerian Bright Akhuetie, nanatiling buo ang ‘core’ ng Altas at ngayon ay sasandigan ni Eze, kamasa ang nagbabalik na beterano na sina Gab Dagangon, AJ Coronel, Keith Pido, Flash Sadiwa, Jack Hao, Daryl Singontiko at JG Ylagan.
"We're moving forward and we're optimistic of our chances this year even though we lost a key piece in our team," pahayag ni Perpetual Help coach Nosa Omorogbe, patungkol kay Akhuetie, lumipat sa University of the Philippines sa karibal na liga na UAAP.
Liyamado ang Perpetual Help laban sa St. Benilde bunsod na rin ng pagkawala ni star player Yankie Haruna na nagtamo ng pinsala sa balikat sa pre-season tournament.
Nakatakda ang duwelo sa 12:00 ng tanghali.
Magsasangga naman ang landas ng Pirates at Heavy Bombers ganap na 2:00 ng hapon. Kapwa ipinapalagay ang dalawang koponan na challenger ng San Beda Lions sa kampeonato bunsod nang matikas na kampanya sa pre-season tournament.
Tumapos ang LPU sa ikatlong puwesto, habang ikaapat ang Jose Rizal sa Premier Cup na pinagwagihan ng San Beda nitong Hunyo.
Sumirit ang LPU sa presensiya nina CJ Perez na mula sa Ateneo, Spencer Pretta na dating San Sebastian Stag at ang ambal na sina Jayvee at Jaycee Marcelino na nakadagdag lakas sa core na binubuo nina Cameroonian Mark Harry Nzeusseu, Wilson Baltazar, Mer Ayaay, Reymar Caduyac at Edcor Marata.
Ayon kay Pirates coach Topex Robinson, puhunan nila ang bilis at matibay na outside shooting.
"Everyone knows we only have one legitimate big man and the only way for us to compete is through our speed and shooting and that is how its going to be the whole season," sambit ni Robinson.
Nananatili namang matatag ang Jose Rizal dahil kina Teytey Teodoro, John Grospe, Gio Lasquety, Mark dela Virgen, Ghana's Abdul Razak Abdul Wahab at Cameroon's Abdel Potouochi.