SINUNDAN ni Francois Marie Magpily ang matikas na simula sa impresibong draw para gapiin ang karibal via tiebreak at angkinin ang juniors title at Top Female award sa Shell National Youth Active Chess Championship’s NCR leg nitong Linggo sa SM Mall of Asia Music Hall.
Matapos walisin ang unang limang laro, ginapi ng No. 6 seed sina No.5 Earl Mantilla at No. 9 Cedrick Gaddi. Natalo siya kay top seed Julius Gonzales sa eight round bago tumabla kay No. 8 Michael Erese sa final round para tumapos na may 7.5 puntos.
Nakatabla niya sina Gonzales, Erese, Carl Ancheta at Joshua Navarro sa parehong 7.5 puntos, ngunit nakuha ni Magpily, pambato ng Gen. Pio del Pilar National High School ang korona via superior tiebreak score at tanghaling unang babae na nagwagi sa naturang dibisyon.
Nakuha naman nina Erese mula sa Arellano University, Gonzales ng La Salle Greenhills at Navarro ang nalalabing tatlong slot para sa National Finals ng torneo na itinataguyod ng Pilipinas Shell.
Nakisosyo sa pedestal sina Cyrus Francisco ng San Beda at Far Eastern U ace Dale Bernardo, nagwagi sa kiddies at seniors categories.
Umusad din sa grand finals sina top female player Roilanne Marie Alonzo ng La Concepcion College-Bulacan at Ynna Canape ng UP.
Pinangunahan nina WIM Charlene Suede, dating SNYACC finalist, at Shell ER Adviser for Brands Karla Lucban-Zarate ang pagkakaloob ng tropeo at premyo sa mga nagwagi sa torneo na suportado rin ng Shell V-Power, Shell Advance, Shell Rimula, Shell Helix, Shell Fuel Save, at Shell Card, sa pakikipagtulungan ng SM Supermalls.
Gaganapin ang third leg sa Aug. 12-13 sa Cagayan de Orom habang host ang Davao sa Sept. 2-3, at Cebu sa Sept. 16-17.