Ni VANNE ELAINE P. TERRAZOLA
SUGATAN si Jolina Magdangal nang bumangga ang isang van sa kanilang sports utility vehicle (SUV) sa Quezon City kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Senior Police Officer 2 Achilles Magat, ng QCPD Traffic Sector 3, isinugod si Jolina sa St. Luke’s Medical Center sa E. Rodriguez dahil sa tinamong sugat sa banggaan sa East Avenue, Barangay Central, dakong 1:30 ng madaling araw.
Sugatan din ang driver ng van na kinilalang si Peter Sevilla, 27, nang mayupi ang harapan ng kanyang Nissan Urvan.
Isinugod siya sa East Avenue Medical Center.
Base sa ulat, ihahatid si Jolina at ang mister niyang si Mark Escueta sa airport para sa isang bakasyon.
Samantala, si Sevilla ay naiulat na papuntang Makati.
Ayon kay Magat, nakahinto ang Mitsubishi Montero nina Jolina at Mark sa isang traffic light sa harap ng Philippine Heart Center sa East Avenue nang biglang salpukin ng sasakyan ni Sevilla.
Sinabi ni Magat na inamin ni Sevilla, isang church worker, na siya ang may kasalanan sa aksidente dahil nakatulog siya habang nagmamaneho.
Samantala, nakalabas na sa ospital si Jolina at kasalukuyang nagpapahinga sa kanyang bahay sa Quezon City.
Inaalam pa kung magsasampa ng kaso si Jolina laban kay Sevilla, na habang isinusulat ito ay naka-confine pa rin sa nasabing ospital.