Ni JONATHAN M. HICAP

Nagsampa ng kasong robbery ang Bureau of Corrections (BuCor) sa Muntinlupa laban sa isang miyembro ng Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police, dahil sa umano’y pagtangay ng pondo ng simbahan, na aabot sa P208,000, mula sa Chaplaincy Office.

Kinasuhan ni Prison Guard I Peter Cyroe Tabajonda ng New Bilibid Prison (NBP) si Sgt. Roger Opong sa Muntinlupa Office ng City Prosecutor kamakalawa.

Sa kanyang affidavit, sinabi ni Tabajonda na noong Marso 29 ng kasalukuyang taon, tumawag ang BuCor Operation Center sa NBP Superintendent’s Office upang humiling ng imbestigador na pupunta sa Chaplaincy Office sa NBP maximum security compound dahil sa naganap na nakawan.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Una rito, sinabi ni Prison Guard I Luzminda Nieves at ni food service supervisor Leila Reonal na nang magpunta sila sa Chaplaincy Office, nakita nila itong magulo at ang 32-inch Sony Bravia TV at ang pondo ng simbahan na nakatago sa isang safety box ay nawawala.

Makalipas ang isa’t kalahating buwan, nagsumite ng affidavit ang bilanggong si Rommel Laciste, nakapiit sa NBP medium security compound, sa BuCor upang sabihing may alam siya sa nangyaring nakawan.

Ayon kay Tabajonda, sinabi ni Laciste na dakong 12:00 ng madaling araw noong Marso 29, siya at si Opong, na kapwa nakasuot ng SAF uniform, ay nagsagawa ng search operations sa NBP Chaplaincy Office base sa impormasyon na ipinagkaloob ng isang bilanggo sa Dormitory 12B na mayroong 2 kilo ng shabu sa loob ng safety box sa opisina ni Msgr. Roberto Olaguer.

“Upon reaching the area, Sgt. Opong together with other SAF member saw the safety box and forcibly opened it but found no illegal drugs inside, instead found a box containing money and plastic bag containing coins,” base sa affidavit ni Tabajonda.

Sinabi ni Tabajonda na, “the money was taken by Sgt. Opong and was divided into two (2) before putting it into his pocket, while the coins were put into a trash can.”

Idinagdag niya na binaklas ng SAF ang TV set mula sa dingding at tinakpan ng pillow case. Dakong 2:00 ng madaling araw, “they went outside of the Catholic Church and were fetched by the other SAF using their vehicle.”